Ni Clea Faye G. Cahayag
NAKATAKDANG ilunsad ng City Traffic Management Office o CTMO ang Task Force Kalsada (TFK) sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sakay ng motorsiklo ay imo-monitor ng naturang task force ang mga naiipit sa ‘bumper to bumper’ na traffic, magiging katuwang sila ng mga traffic enforcers para magmando ng trapiko.
Tungkulin din ng task force na sitahin at tiketan ang mga ‘kamote riders’ para matuto ng tamang disiplina sa pagmomotorsiklo o pagmamaneho ng sasakyan.
Sa inilabas na impormasyon ng City Information Office (CIO), isasailalim sa seminar at training sa PNP Highway Patrol Group at City PNP – Traffic Division ang mapipiling mga traffic enforcers na magmamaneho ng motorsiklo ng task force.
Tinuran ni Richard Ligad, hepe ng CTMO, na ang programang ito ay solusyon sa dumaraming mga pasaway na motorista.
“Papayagan natin manghabol ang Task Force Kalsada sakaling mayroong tumatakas sa nagawang paglabag sa trapiko. Siyempre, kung wala ka namang tatakasan sa batas, hindi ka magpapahabol. Pero dapat iwasan na nila iyon para iwas disgrasya rin,” ani Ligad.
Nitong ika-6 ng Hunyo dumating ang sampung (10) motorsiklo na gagamitin sa kanilang paglilibot sa mga kalsada.