PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Isang Joint Activity ang isinagawa ng Naval Forces West (NFW) na ginanap sa isang mall sa nabanggit na lungsod nitong Hulyo 17, 2024, kung saan namahagi ang grupo ng mga regalo para sa mga batang may kapansanan (PWD) mula sa Barangay San Jose bilang kanilang benepisyaryo, kasabay rin nito ang pledge-of-commitment signing na dinaluhan ni Naval Forces West Commander Alan M. Javier PN, na siyang panauhing pandangal.
Ayon sa ahensya, ang nasabing gift-giving activity ay tinawag na “NFW & Stakeholders’ Gifts of Love to Special Kids,” bilang pagtalima sa pagdiriwang ng National Disability Rights Week.
Makikita sa mukha ng mga bata ang tuwa habang sila ay naglalaro sa isang sikat na palaruan sa nasabing mall. Sinundan naman ito ng maikling programa para sa mga batang person with disabilities at kanilang mga tagapag-alaga sa Event Center ng naturang mall kasama ang pangkat ng Civil Military Operations Group – Philippine Navy (CMOG-PN).
“As you received the gifts, we hope that you felt the love and support of the community that sees your boundless potential and the possibilities that lie ahead,” ani Capt. Fabic sa kanyang mensahe sa mga benepisyaryo.
Ang ikalawang bahagi naman programa ay ang paglagda sa Pledge of Commitment na dinaluhan ng humigit-kumulang 65 indibidwal mula sa iba’t ibang government at non-government organizations na sumusuporta sa adbokasiya ng Philippine Navy.
Ang paglagda sa pangakong ito ay isinasagawa upang gawing pormal at palakasin ang mga pangako, responsibilidad, at layunin sa pagitan ng ahensya at ng mga kasaping stakeholders nito.
“Sa aming mga stakeholder, ang inyong walang tigil na suporta ay ang pundasyon ng aming tagumpay. Ang iyong pagpayag na makipagtulungan sa Naval Forces West ay isang patunay ng iyong pananampalataya sa aming misyon at ang iyong pag-unawa sa mahalagang papel nito sa pangangalaga sa ating bansa.”