PALAWAN, Philippines — Nitong ika-29 ng Hunyo, ipinagdiriwang ang ika-31st Pista Y’ Ang Cagueban sa lungsod ng Puerto Princesa. Ang taunang sama-samang pagtatanim ng mga puno ay isinagawa sa 5.5 ektaryang lupain sa barangay Montible.
Sa datos mula sa City ENRO, 10,000 seedlings na pawang mga native forest trees species tulad ng Alalud, Apitong, Basa, Batino, Bayog, Bolong-eta, Ipil, Kamagong, Lumaraw, Malabayabas, Malakatmon, Mountain Agoho, Pasi, Putian, Sahing at Burawis ang naitamin ngayong Cagueban 2024.
Sa mensahe ni Punong Lungsod Lucilo Bayron, idineklara nitong matagumpay ang tree planting activity dahil napakaraming indibidwal partikular mga kabataan ang nakiisa sa pagtatanim ng mga puno.
“Maraming maraming salamat sa pakikiisa niyo sa umagang ito. Umaasa ako sa darating na Pista Y’ Ang Cagueban kayong mga bata huwag kayong mawawala dahil ang pagpupursigeng ito ay para sa inyo, para sa magiging anak ng anak niyo.
Ngayon pa lang, hindi pa nga kami nakakapagtanim, sinasabi ko na, idinideklara ko na itong Pista Y’ Ang Cagueban 2024 ay isang matagumpay na selebrasyon para sa kalikasan ng lungsod ng Puerto Princesa,” ayon sa Alkalde.
Binigyang-diin pa ni Bayron ang napakaraming benepisyo ng pagtatanim ng mga puno tulad ng nagsisilbi itong tirahan ng mga buhay-ilang, napapababa ang heat index o nararanasang init, nagbibigay ng proteksyon sa erosion, nakakadagdag sa ground water, maiiwasan ang pagbaha at marami pang iba.
“Napakarami talagang pakinabang itong naitatag nating Cagueban at ito ay nangyari dahil sa pakikipagtulungan ng lahat ng mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa,” dagdag pa ni Bayron.
Simula taong 1991 umabot na sa 2.6 milyong puno ang naitanim sa ilalim ng makakalikasang programa ng lokal na pamahalaan.
Ang Pista Y’ Ang Cagueban 2024 ay dinaluhan ng iba’t ibang opisyales ng gobyerno, uniformed personnel, mga kabataan at mga residente ng lungsod ng Puerto Princesa.