Mariing kinokondena ng City Environment and Natural Resources Office sa pamumuno ni City ENR Officer Atty. Carlo Gomez ang pagpaslang kay Jun Pacdaan, Team Leader ng Environmental Law Enforcement ng Bantay Gubat.
Batay sa inilabas na impormasyon ng tanggapan, nagpapatrolya sa Barangay Concepcion si Pacdaan kasama ang iba pang mga enforcement personnel nang ito ay tambangan ng mga armadong indibidwal.
Ang insidente ay nangyari kahapon, ika-3 ng Disyembre dakong alas onse ng umaga (11:00 am).
“Team Leader Jun Pacdaan was on duty to patrol and protect the critical habitat area in Barangay Concepcion under the CNCH against illegal activities,” ayon sa City ENRO.
Kaugnay nito, nananawagan si Gomez sa mga opisyales at residente ng naturang barangay na agad ipagbigay-alam sa City ENRO ang anumang impormasyon na maghahatid sa pagkakahuli ng mga salarin.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang City ENRO sa mga naulilang pamilya at mahal sa buhay ni Pacdaan.