PHOTO | FACEBOOK PPUR

Ni Clea Faye G. Cahayag

IPINAPABATID ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) sa publiko na magkakaroon ng Bilateral Inter-Agency Law Enforcement Counter Terrorism Drill “Tempest Wind” sa lungsod ng Puerto Princesa sa darating na ika-9 hanggang ika-12 ng Setyembre 2023.

Ito ay isasagawa sa bahagi ng Tagburos partikular sa GSMAXX Construction Compound, PNP Maritime Law Enforcement Learning Center sa Sitio Magarwak, at Honda Bay area.

Sa pagsasanay na ito ay magiging katuwang ang Estados Unidos sa katauhan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at iba pa.

Batay sa ipinalabas na pabatid na pirmado ni PCPT Victoria Carmen C. Iquin, PIO ng PPCPO, maaaring magkaroon ng pansamantalang pagbabago sa ruta ng trapiko, at makarinig ng ilang mga pagsabog at putukan dala ng pagsasanay na ito.

Dahil dito, mahigpit nilang ipinagbabawal na lumapit sa lugar na pagdadausan ng pagsasanay para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Nilinaw naman ng opisyal na walang dapat ikabahala ang mga mamamayan dahil ito ay isang mahalagang pagsasanay lamang upang masubukan ang kahandaan at kakayahang gumalaw at umaksyon sa mga krisis dala ng terorista at iba pang karahasan na may pandaigdigang epekto.

Dagdag pa nito, magtatalaga rin ng mga kapulisan upang umalalay sa mga kababayan at sumagot sa kanilang mga katanungan kaugnay dito.

Hiniling naman ng opisyal ang kooperasyon ng bawat isa para sa positibong resulta ng pagsasanay na nabanggit.