MAHIGIT 500 toneladang basura na ang nakolekta sa mga coastal barangays ng Puerto Princesa mula nang isagawa ang programang Save the Bays ng Pamahalaang Panglungsod, ayon sa City Information Department.
Dahil sa mga daan-daang toneladang basura ang hinahakot, nakikita namang solusyon dito ni Mayor Lucilo R. Bayron ang ma-relocate ang mga coastal dwellers para mapigilan ang paulit-ulit na pagdami ng mga basura.
“…nasimulan natin ang iba’t ibang episodes na ngayon ay nasa episode 10 na tayo pero wala pa rin talagang klarong magiging solusyon ito kung ganito lang ang gagawin natin. Kailangan talaga ma-relocate natin ang mga coastal dwellers para ma-proteksyunan natin ang bays natin,” paliwanag niya.
Hangad ni Bayron na masagip at maprotektahan ang mga bays sa lungsod laban sa pagdami ng mga basura bunsod ng kakulangan sa disiplina ng mga mamamayan.
“…dahil kung pababayaan natin na ma-pollute ito ay darating ang time na mawawala ang ganda niya, mawawala ang yamang-dagat niya at lahat tayo ay madidiri na sa tubig ng ating Puerto Princesa Bays,” giit pa niya.
Tinawag ng alkalde na magiging futile o pointless ang paulit-ulit na aktibidad ng paglilinis kung paulit-ulit din ang mga nahahakot na tone-toneladang basura ang nakokolekta dahil sa patuloy na pagkakalat ng mga tao kaya nakikitang solusyon niya dito ang mailipat ang mga coastal dwellers sa relocation site — ang Tandikan Ville.
Aniya, ang Tandikan Ville sa Brgy. Irawan ay mayroong 45 buildings at bawat building ay kayang makapag-relocate ng 136 pamilya o tinatayang nasa halos 6,300 pamilya ang maaaring mailipat dito.
“Kailangan natin bumili pa ng karagdagang lupa para madagdagan pa natin ang mga housing unit para mabigyan ng permanenteng solusyon ang ating problema na nadudumihan ang ating bay,” paliwanag pa niya.
Dagdag ng alkalde, “Ito ay para sa [susunod] mga salinlahi natin. Kaya tayo nagpupursige dahil nakikita natin na may pag-asa ang ating ginagawa. Nakikita ko may mangyayari kaya ang kailangan natin ay magkaisa at magtulungan.”
Samantala, nalalapit na ang dragon boat competition kaya naman nilalayon din ni Bayron na maraming national at international sports events pa ang mahikayat na sa Puerto Princesa idaos ang mga ito.