SAN VICENTE, Palawan — Tumambad sa mga awtoridad ang mga sako-sakong durog na korales na inabandona umano sa dalampasigan ng Purok 2, Barangay Tagumpay sa nabanggit na bayan nitong nakalipas na Pebrero 19, 2024.
Sa ikinasang joint operation ng Coast Guard Intelligence Group, CGS North Eastern Palawan, at Palawan Council for Sustainable Development (PSCD), nadiskubre ang nasa isandaan at labindalawang (112) sako ng mga korales na tinatayang aabot sa dalawang tonelada.
Ayon sa Coast Guard District Palawan, ikinasa ang operasyon upang masawata ang iligal na bentahan at pangunguha ng mga korales na pinangangambahang makasisira sa marine life ng lugar.
Ayon pa sa ahensya, nagsagawa na ng masusing imbestigasyon ang PCSD Calamian upang matukoy ang posibleng pagkakilanlan ng mga salarin kaugnay sa iligal na pangunguha ng mga korales.
Binigyang-diin naman ng ahensya na iligal ang pangunguha ng mga korales na malinaw na isang paglabag sa Republic Act 9147 o mas kilalang ‘Wildlife Resources Conservation and Protection Act’.
Nananawagan naman si LT Ronar Cabico, Commander ng CGS Northeastern Palawan, sa mga mamamayan ng Calamian Islands na huwag masangkot sa iligal na pangunguha at pagbebenta ng mga korales.