PUERTO PRINCESA CITY – Itinanggi ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na sinibak sa puwesto si dating Wescom Chief Vice Admiral Alberto Carlos PN makaraang maiulat ang biglang pagbabago ng leadership sa hanay ng Western Command.
Aniya, ito ay “administrative decision” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kung saan hindi lamang sa hanay ng Wescom ang may pagbabago ngunit sa lahat ng AFP commands sa bansa.
“Well, that’s an administrative decision ng Armed Forces of the Philippines. There’s a leadership change not only here but in a several commands,” pahayag ng kalihim sa panayam ng local media member hinggil sa ‘sudden change’ sa hanay ng Western Command.
Sa kaniyang speech sa “talk to troops” sa Lawak Gymnasium ng Wescom Headquarters nitong hapon ng Huwebes, Mayo 16, inihayag ni Teodoro na si Rear Admiral Alfonso Torres Jr. ang ‘newly-designated Western Command chief’ o magiging Commander ng ahensya.
Nitong Mayo 7, kinumpirma ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “on personal leave” si Carlos at nilinaw na walang kaugnayan ito sa kinakaharap nitong kontrobersiya.
Nitong mga nagdaang araw, ibinalita ng Chinese Embassy in Manila na ang Pilipinas, sa pamamagitan ng Western Command, National Defense at Nat’l Security Council, na sumang-ayon ito sa “new model” na kung saan pinapayagan ang gobyerno ng China na mamahala sa disputed Ayungin o Second Thomas shoal sa West Philippine Sea.
Itinanggi naman nina Teodoro at Nat’l Security Council Adviser Eduardo M. Año na pumasok ang kanilang mga opisina sa naturang kasunduan.