Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY — Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyong iniakda ni Board Member Ryan Dagsa Maminta upang bigyang-pansin ang krisis sa transportasyon sa Palawan na kasalukuyang nararanasan ng mga mamamayan nitong nagdaang mga linggo dahil sa kawalan ng prangkisa ng mga pangunahing pampublikong sasakyan sa buong lalawigan.
Sa Facebook post, inihayag ni Maminta na aprubado na ng mga miyembro ng Provincial Board at ni Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates ang Resolution No. 19626 na humihimok sa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 4B na magsagawa ng programang nagsisiguro na magkaroon ng ‘provisional authority’ at maibalik ang mahigit 400 prangkisa upang maiwasan ang matinding transportation crisis sa lalawigan.
“Napirmahan at naaprubahan na po kaagad ang ating inakda at kailangang resolusyon upang magsimula na ang mga proseso kasama na ang pagluluwag nito at requirements upang maibalik ang mahigit 400 prangkisa sa [iba’t ibang] ruta sa lalawigan ng Palawan.
Ito po ay nakaukol sa LTFRB bilang bahagi ng mga solusyon sa ating problema sa ‘anti-colorum’ campaign ng pamahalaan na maaring magresulta sa krisis pang-transportasyon sa ating lalawigan.
Ang resolusyon po ay isa sa mga hiniling ng LTFRB upang masimulan nila at mapabilis ang pagsasaayos ng mga provisional authority at prangkisa ng ating mga kababayan sa sektor ng transportasyon,” ani Maminta sa kaniyang Facebook page.
Samantala, nagpasalamat naman ang bokal sa mabilisang aksiyon ni LTFRB Director Atty. Paul Vincent Austria at kaniyang kapwa provincial legislators matapos maaprubahan ang nasabing kahilingan.
“Kayo lang ang natatanging Regional Director ng LTFRB ang direktang pumunta, nakipag-ugnayan, sumagot, at nakipagpulong sa mga Palaweños,” dagdag ng bokal.