PUERTO PRINCESA CITY — Aktibong nakiisa sa isinagawang inter-agency tree planting activity nitong Hulyo 19 ang mga tauhan ng Montible Sub-colony sa Kilometer 25, Barangay Montible.
Batay sa ulat ng Bureau of Corrections, inorganisa ng kolonya ang pagdiriwang ng ika-29 na Police Community Relations Month na pinangunahan ni PltCol Aurelio K. Cabintas, pinuno ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Aabot sa dalawandaang (200) punla ng Ipil ang itinanim ng mga nakilahok na pinangunahan ni C/INSP Rodelio A. San Antonio, Montible Sub-colony Supervisor.
Ayon sa Bureau of Corrections, ang pagtatanim ng mga Ipil seedlings ay nilahukan ng mga tauhan ng MSC, PPCPO personnel, PNP Maritime personnel, at mga miyembro ng Local Barangay Unit ng Montible.
Sa pamamagitan ni Superintendent ng IPPF, C/CINSP Gary A. Garcia, RCrim, MSCA, nagpahayag ng buong suporta si Dir. General, Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr., AFP (Ret), CESE, CCLH, para sa mga inisyatiba na naglalayong ibalik at mapangalagaan ang mga likas na kagubatan sa loob ng IPPF.
Aniya pa, ang pagtutulungang pagsisikap na ito ay nagpapakita ng pangako sa pangangalaga sa kapaligiran at itinatampok ang positibong epekto na maaaring makamit sa pamamagitan ng inter-agency partnerships.