Photo courtesy | Provincial Information Office
PUERTO PRINCESA CITY — Nakamit ng Tribung Agutaynen ang pinakamaraming medalya sa iba’t ibang palarong lahi sa isinagawang Indigenous Peoples’ (IPs) Games 2023 nitong araw ng sabado, Nobyembre 18.
Sa seremonya ng pagtatapos nitong Linggo na ginanap sa RVM Sports Complex, nakakuha ang tribu ang tatlong (3) ginto at 3 bronse medals.
Ang paligsahan ay nilahukan ng walong tribu mula sa kabuuang siyam (9) na tribu sa lalawigan ng Palawan na kinabibilangan ng Tribung Agutaynen, Batak, Cagayanen, Cuyunon, Palaw’an, Tagbanua Calamianen, Tagbanua Central, at Tagbanua Tandulanen.
Itinampok sa nasabing aktibidad ang tagisan ng galing ng bawat grupong nakilahok sa iba’t ibang katutubong laro gaya ng Pana, Supok, Sibat, Pagbayo ng Palay, Santik, Takbo, Kadang-kadang, Pitsaw, at Trumpo.
Hinikayat ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Matthew P. Gaston ang lahat na magtulungang ipreserba ang kultura ng mga katutubo sa bansa.
“Hiling ko na hindi rito matapos ang pagsuporta sa ating IP community. Let’s continue to help preserve their culture. Someday, I hope to see you re-presenting your community nationally, and even our country on the international stage,” ani Gaston.
Ang nasabing aktibidad ay naging posible sa pamamagitan ng inisyatibo ng PSC kasama ang Provincial Sports Division ng Pamahalaang Panlalawigan, Tanggapan ng Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) at Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.
Ang mga Katutubong Laro ay isang kaganapan na naglalayong pahalagahan ang mga tradisyunal na laro na ginagawa ng mga katutubo at katutubong tao bilang isang paraan ng pangangalaga sa kanilang kulturang pamana sa kanila.
Bukod dito, ang mga laro ay naglalayon ding pagsama-samahin ang iba’t ibang mga tao bilang isang paraan ng pagdiriwang ng kanilang mga kaugalian, tradisyon, at mga halaga.