Photo courtesy | AFP WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY — Bumisita sa isla ng Mangsee, bayan ng Balabac, Palawan, ang tropa ng Joint Civil Military Operations Task Group (JCMOTG) 6th Civil Relations Group (6thCRG) ng Western Command (WESCOM) sa pangunguna ni Lt. Commander Ronnie B. Grimpola PN, nitong araw ng Biyernes, ika-13 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Ang aktibidad ay bahagi ng programa ng WESCOM na naglalayong mapaigting ang kasalukuyang Community Support Program (CSP) at maabot ang mga liblib na barangay o munisipyo ng Palawan gaya ng bayan ng Balabac.
“Makaka-asa po kayo na ang inyong Team WESCOM ay patuloy na magbibigay ng mga programa at suporta para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran ng ating lalawigan”, wika ni Lcdr Grimpola sa kanyang pakikipag-usap sa mga taga-isla.
Samantala, pakay rin ng nasabing pagbisita na talakayin ang usapin hinggil sa socio-economic at iba pang mahahalagang bagay na dapat umanong bigyang-pansin.
Nakiisa rin sa isinagawang diyalogo ang mga Local Chief Executives at mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Balabac.