Iba’t ibang uri ng troso ang narekober sa Barangay Malcampo sa bayan ng Roxas, Palawan, nitong nakalipas na Disyembre 22, ayon sa ulat ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).
Ayon sa ahensiya, kabuuang 583.9 board feet ng mga chop-chop na kahoy-gubat ang narekober sa ikinasang joint operation ng PCSD sa tulong ng mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nakatanggap ng ulat ang ahensiya mula sa Peace and Security Cluster–Provincial Government of Palawan Environmental Monitoring Team hinggil sa presensya ng mga kahina-hinalang troso sa lugar.
Sa isinagawang inspeksyon, namataan ang iba’t ibang uri ng kahoy tulad ng Curayan, Ipil, Kamagong, at mga tabla ng mangga.
Ayon pa sa ulat, wala umanong umamin sa pagmamay-ari ng mga troso kaya agad itong kinumpiska at dinala sa DENR–CENRO para sa wastong kustodiya at dokumentasyon.
Inaanyayahan naman ang publiko na huwag mag-atubiling i-report o isumbong sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff ang anumang kahina-hinalang iligal na gawain. | Photo courtesy: PCSDS