PUERTO PRINCESA CITY — GINAWARAN ng sertipikasyon bilang GAD Champion 2024 si Angelique Songco na Protected Area Superintendent ng Tubbataha Reefs Natural Park nitong Mayo 18, 2024, na ginanap sa TRNP Ranger Station, Cagayancillo, Palawan.
Ayon sa Department of Environmental and Natural Resources (DENR) MIMAROPA,
isa si Songco sa mga awardees na inisyatiba ng kanilang ahensya na kilalanin ang mga indibidwal at ka-partner ng ahensya na makabuluhang nagsulong ng kasarian at pag-unlad, at nagtaguyod ng pagpapalakas sa mga kababaihan.
Ang GAD Champion 2024 certificate award ay personal na iniabot ni DENR MIMAROPA Regional Executive Director Felix Mirasol, Jr. kay Songco na kung saan ay sinaksihan ito ni Palawan PENRO Felizardo Cayatoc, mga kinatawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan, Commission on Audit, Palawan Council for Sustainable Development, TRNP rangers at iba pang ahensya.
Si Songco ay kinilala rin para sa kanyang inclusive approach na nagpapayaman sa mga komunidad, at nagsusulong sa layunin ng marine conservation, na ginagawa siyang beacon ng pag-asa para sa adbokasiya sa kapaligiran at pagpapalakas ng kababaihan sa Pilipinas at higit pa.
Samantala, dahil sa emerhensiyang medikal, hindi nakuha ni Songco ang awarding ceremony para sa iba pang mga kampeon ng GAD noong Mayo 17, kaya ang simpleng kaganapan ay ginanap sa site inspection ng mga opisyal.
Ang Magna Carta of Women (Republic Act No. 9710) ay tumutukoy sa Gender and Development Program (GAD) na mayroong pananaw at proseso ng pag-unlad na nakikilahok at nagbibigay-kapangyarihan, pantay-pantay, napapanatiling malaya sa karahasan, gumagalang sa karapatang pantao, sumusuporta sa sariling pagpapasya at aktuwalisasyon ng mga potensyal ng isang tao.