Photo courtesy | AFP WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY – Personal na ipinagkaloob ni retired General Generoso Senga, dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, ang tulong pinansiyal para sa mga tropang nakatalaga sa BRP Sierra Madre (LS 57) sa Ayungin Shoal kay Western Command (WESCOM) Chief, Vice Admiral Alberto Carlos nitong nakalipas na Huwebes, Disyembre 21, sa Western Command Liaison Office sa Camp Aguinaldo.
Si Senga ay kasalukuyang Chairman ng Board of Trustees ng TG Philippine Military Academy (PMA) Helping Out Project (TGPMA HOP). Sa kaganapan, kasama ng opisyal ang dalawa pang miyembro at mga retiradong opisyal ng militar na sina Kapitan Roberto Yap (TGPMA HOP President) at Major General Lysander Suerte (TGPMA HOP Corporate Secretary).
Nagpaabot din ng suporta ang Graduates of the Philippine Military Academy (PMA) Helping Out Project (TGPMA HOP) para sa mga sundalong nakatalaga o naka-deploy sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS) na handang ialay ang kanilang mga buhay upang ipaglaban ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas at maprotektahan ang ang mamamayang Pilipino laban sa sigalot o gulo.
Kaugnay rito, ang TGPMA HOP ay isang organisasyong binubuo ng mga alumni ng PMA na nakatuon sa pagpapasigla sa mga marginalized na indibidwal sa lipunan, sa mga sundalong naka-deploy sa Ayungin Shoal, at sa iba pang may kinalaman sa seguridad ng bansa.