PALAWAN, Philippines — AABOT sa tatlundaan atlabintatlong (313) mga benepisyaryo ang pinagkalooban ng tag-tatlong libong pisong (₱3,000.00) tulong pinansyal mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa tanggapan ng Ikatlong Distrito ng Palawan, ang nasabing ayuda ay naging posible sa pamamagitan ng kanilang tanggapan sa ilalim ng pangangalaga ni House Speaker Martin Romualdez.
Ang pamamahagi ng nasabing ayuda ay pinangunahan ni Karl “Koko” Legazpi, Chief of Staff ng Palawan 3rd District Caretaker Office, na isinagawa ngayong araw ng Miyerkules, Mayo 29 sa Barangay Sta. Monica, Lungsod ng Puerto Princesa.
Samantala, nakiisa naman sa aktibidad ang ilang kilalang indibidwal gaya nina Puerto Princesa City Vice Mayor Maria Nancy Socrates, Atty. Gil Acosta Jr., Councilor Elgin Damasco, at mga kawani ng DSWD-Palawan bilang katuwang sa nasabing programa.
Nilalayon ng kaganapan na matulungan ang mga mamamayan sa lungsod na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan nang sa ganun ay makaraos at kanilang matugunan ang pang araw-araw pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Matatandaang, nitong buwan din ng Mayo ay namahagi ng tulong pinansyal ang nasabing tanggapan sa Brgy. Sta. Monica na kung saan ay napagkalooban ng ayuda ang mga benepisyaryo ng AKAP.