Screen grabbed | AFP WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY — Nanindigan ang bansang Unites States of America (USA) kasama ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas laban sa People’s Republic of China (PRC) Coast Guard kaugnay sa iligal at mapanganib na aksyon nito sa West Philippine Sea (WPS) matapos harangin at banggain ang resupply boat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maghahatid ng supply sa mga nakatalagang tauhan ng militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Linggo, Oktubre 22.
Ayon sa tanggapan ng US Embassy in the Philippines, nilagay umano sa panganib ng bansang Tsina ang kaligtasan ng mga Pilipinong tripulante na naghahatid ng suplay sa base militar ng Pilipinas sa nabanggit na karagatan.
Pagbibigay-diin ng embahada, ang paghadlang sa mga linya ng suplay sa base militar at pakikialam sa mga legal na operasyong pandagat ng Pilipinas ay banta umano sa seguridad ng rehiyon.
“The United States condemns PRC’S latest disruption of a legal Philippine resupply mission to Ayungin Shoal, putting the lives of Filipino service members at risk. We stand with our Friends partners allies in protecting sovereignty and in support of a free and open Indo-Pacific,” ani US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa kanyang Twitter post.
Ayon pa sa embahada, ang Second Thomas Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) at sa continental shelf ng bansang Pilipinas.
Sa desisyon ng International Tribunal noong Hulyo 2016, malinaw ang naging legal na desisyon na “there exists no legal basis for any entitlement by China to maritime zones in the area of Second Thomas Shoal.”
Ang parehong desisyon ay nagpatunay na ang Second Thomas Shoal ay isa umanong low-tide elevation sa labas ng territorial sea, kaya’t walang batayan ang pang-aangkin ng China sa nasabing teritoryo.