Napatunayan sa isang pag-aaral na ang sobrang pagkabilad sa Ultraviolet (UV) Rays mula sa araw ay nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Ilan lamang sa mapanganib na epekto nito ang kanser sa balat, mabilis na pagtanda o pagkulubot ng balat, pagkasira ng mata at paghina ng resistensya.
Ayon sa Weather Channel mayroong limang (5) UV Index Hourly Variation; 4:00 AM- 7:00 AM, 5:00 PM -8:00 PM- Low; 8:00 AM-9:00 AM at 4:00 PM – Moderate; 10:00 AM at 3:00 PM- High; 2:00 PM- Very High; 11:00 AM-1:00 PM- Extreme.
Ang UV Index ay ang sukat ng mapanganib na ultraviolet radiation dala ng sikat ng araw. Ito ay nagdadala ng malakas na enerhiya na kayang tumagos sa mababaw (UVA) o malalim (UVB) na parte ng balat na pwedeng magdulot ng pagkasira nito.
Kaugnay nito, nagpaalala ang City Health Office (CHO) sa mga dapat gawin para makaiwas sa masamang epekto ng UV rays tulad ng paggamit ng SPF 30-50 Sunscreen, magsuot ng UV blocking glasses at gumamit ng sumbrero o payong, maghanap ng malilim na lugar na maaaring silungan o di kaya iwasan ang paglabas sa bahay lalo na sa mga oras na mataas ang UV Index.