LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Matagumpay na naihatid ng sasakyang pandagat na Unaizah May 4 (UMA4) ang mga relief supplies mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mga bayan ng Agutaya, Cagayancillo, at Linapacan ngayong buwan ng Pebrero 17.
Sa ulat ng Western Command, ligtas na nakabalik sa kanilang homeport nitong Sabado ang nasabing resupply boat matapos maghatid ng mga relief supplies sa tatlong bayan na nabanggit.
Ang UM4 ay isang chartered vessel na ginagamit ng WESCOM sa pamamagitan ng Naval Forces West (NFW) para sa rotation and reprovisioning (RoRe) ng mga tropa ng gobyerno at lokal na komunidad sa buong lalawigan ng Palawan kabilang ang Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea (WPS) na bahagi ng pagsuporta sa misyon ng WESCOM.
Nagagalak naman si Commander of the Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) Vice Admiral Alberto Carlos PN dahil naihatid umano ng ligtas ang mga kargamento sa kabila ng hindi magandang lagay ng panahon at dagat sa paglalakbay ng UM4.
Matatandaang nitong Pebrero 11, una nang sinimulan ng UM4 ang pagkarga ng mga relief goods na nasa humigit-kumulang 2000 kahon na bilang paghahanda sa anumang posibleng kakaharaping kalamidad ng naturang mga isla.
Ang halos limang araw na transport mission ay naglalayong tiyakin ang napapanahong pagkakaroon ng mga supply at food packs bilang bahagi ng disaster preparedness efforts ng DSWD sa lalawigan ng Palawan.