PHOTO//GOOGLE

Repetek Editoryal

NAKARARANAS ang mga siyudad ng mas mataas na temperatura kumpara sa mga katabing lugar nito dahil sa singaw ng mga kongkretong gusali, mga bakal, parking area, sementado at aspaltadong daan na nagdudulot ng tinatawag na urban heat island.

Ang mga lugar na maraming puno at mga halaman, na madalas ay wala sa mga siyudad, ay mas malamig ang singaw ng hangin. Madalas na mararamdaman ang kaibahan ng simoy ng hangin kapag dumadalaw sa mga probinsiya ang galing sa mga siyudad. Maalinsangan sa mga siyudad, samantalang laging nasasambit na sariwa ang hangin sa labas nito. Maikukumpara din ito sa sementadong lugar at sa damuhan na mararamdaman ang malaking kaibahan dahil sa tunay na malamig ang singaw ng damuhan.

Ang mga puno at mga halaman ay maituturing na natural na air condtioner dahil sa ito ay naglalabas ng tubig sa proseso na tinatawag na transpiration. Ang mga ugat ng punong kahoy, pati na ang mga damo ay sumisipsip ng tubig mula sa lupa at pagkatapos ang mga tubig na ito ay natural na lumalabas sa mga dahon kung kaya ay madalas na lumalamig ang ating paligid kapag mayroong mga tanim.

Sa pagdami ng mga kongkretong gusali at mga sementadong daan ay natural na napapalitan nito at nababawasan ang mga lugar na may halaman kaya naman nawawala din ang natural air conditioner sa ating paligid.

Isa rin sa dahilan ng pag-init ay ang kulay ng mga gusali, bakal, bubong at aspalto na madalas ay itim o madilim na kulay. Dahil kumpara sa kulay puti na itinataboy ang init, ang itim o madilim na kulay ay sumisipsip ng init na nagpapataas ng temperatura sa paligid.

Para sa Lungsod ng Puerto Princesa na tinagurian ding City in the Forest, mas makatutulong ang pagtatanim sa mga lugar na bakante upang maiwasan ang pag-init ng husto ng paligid upang makatulong sa pagpapababa ng husto ng temperatura.

Sa pagdami ng mga puno at halaman ay mas maipakikita at magiging tunay na ito ay lungsod sa gitna ng maraming puno o kagubatan.

Author