PHOTO || PROVINCIAL INFORMATION OFFICE- PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

Nag-courtesy visit sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan si Vietnamese Ambassador Hoang Huy Chung kasama sina Second Secretary Mr. Le Anh Quan, Secretary to Ambassador Tran Thi Thu Hien, at Mr. Tran Minh Dung, nitong ika-31 ng Hulyo 2023.

Ayon sa ibinahaging impormasyon ng tanggapan ng Kapitolyo, tinalakay ni Ambassador Hoang ang mga paraan upang mapalakas ang strategic partnership sa pagitan ng lalawigan at Vietnam, lalo na sa larangan ng turismo at edukasyon.

“[For tourism] Palawan is a very nice place; lots of islands are beautiful and the waters are clear. That’s why I am seeking better tourist exchanges between Palawan and Vietnam. We can [also] create system for education here, so we can send our students here to study in English,” ani ng Ambassador.

Ipinahayag din ng Ambassador ang kanyang pasasalamat sa mainit na pagtanggap at kabaitan ng mga Palawenño sa mga Vietnamese refugees na naninirahan ngayon sa lalawigan.

Matatandaang nasa mahigit 40,000 mga Vietnamese ang lumikas sakay ng mga bangka patungong Pilipinas matapos sakupin ng Komunistang grupo ang kanilang bansa sa Timog Vietnam, ang iba sa kanila ay naninirahan na ngayon sa Estados Unidos at iba pang bansa, habang humigit-kumulang 1,500 Vietnamese asylum-seekers naman kasalukuyang naninirahan ngayon sa Pilipinas, ang iba sa kanila ay inilipat sa isang resettlement area na tinawag na “Vietville” na matatagpuan sa Barangay Sta. Lourdes, Lungsod ng Puerto Princesa.

Samantala, naroon din sa nasabing kaganapan si Provincial Administrator Atty. Jethro Palayon bilang kinatawan ni Gob. V. Dennis Socrates, Kasama sina Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa, Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco at si Maribel Buni ng Provincial Tourism Promotions and Development Officer.