Makikita sa larawan ang sikat na atraksiyon sa bayan ng Taytay, Palawan, ang Taytay Fort o Sta. Isabel Fort.(Kuhang larawan / Facebook / LGU Taytay)
PUERTO PRINCESA CITY — Sinagot ng Lokal na Pamahalaan ng bayan ng Taytay, Palawan, ang viral video blog ng Bogito hinggil sa mataas na singil ng entrance fees at charges ng sikat na Fuerza Sta. Isabel de la Paragua na umani ng samu’t saring reaksiyon simula pa nitong Martes, Nobyembre 14.
Ayon sa lokal na pamahalaan, may umiiral na ordinansa patungkol sa ipinapataw na bayarin sa sinumang nagnanais na mamasyal sa sikat na Sta. Isabel Fort.
“Mula pa…November 14, mayroong online video patungkol sa entrance fees and charges para sa mga bisita at mga vlogger na pumapasok sa Fuerza Sta. Isabel de la Paragua o Taytay Fort. [Ito] ay itinuturing na [pinaka-popular] na tourist attraction sa Taytay.”
“Nais naming linawin na ang mga fees and charges na binanggit sa viral na vlog ay batay sa ipinatutupad na ordinansa, Municipal Ordinance No. 451 Series of 2022. Ito ay isinabatas ng Sangguniang Bayan noong Pebrero 14, 2022.
Ang mga bisita sa Fort Sta. Isabel ay kinakailangang magbayad ng Php80.00 bawat isa, at may discount naman ang mga Senior Citizens, [Persons with Disabilities], at students. Libre ang pagbisita sa Fort Sta. Isabel para sa mga Taytayanos, kinakailangan lamang na magpakita ng proof of residency,” pahayag ng lokal na pamahalaan.
(Kuhang larawan / Facebook/ Taytay, Palawan, Tourism Office)
Ayon pa sa ordinansa, may kaukulang karagdagang bayarin kung ito’y may kahalintulad sa video and photoshoots gaya ng prenuptial at wedding, o content creation na ang layunin ay ‘for monetization’, at iba pa.
“Ang ordinansang ito ay dumaan sa maraming revisions, mula sa Municipal Tourism Development and Management Council, Committee hearings ng [Sangguniang Bayan], pitong public hearings, at inilathala sa isang general circulation newspaper. [D]umaan din [ito] sa review ng Sangguniang Panlalawigan (SP) na may kasamang legal na opinyon mula sa Provincial Legal Office (PLO).”
Layunin at hangarin ng [ordinansa] na ang mga cultural heritage sites ng Taytay, pati na rin ang natural tourist attractions, ay maprotektahan at mas mabigyang halaga sa pamamagitan ng tamang [pag-regulate] ng mga turistang bibisita, at gayundin ng kanilang mga activities habang bumibisita sa Taytay. Nais din natin na isaayos ang [pag-promote] ng ating mga tourist attractions na may tama at angkop na pagpapahalaga sa kalikasan, sa kultura ng mga Taytayano, at may paggalang at respeto sa mga lokal na komunidad.
Ang mga fees and charges [ay] hango sa masusing pag-aaral ng “willingness to pay”. Lahat din ng kinikita sa mga bayaring ito ay napupunta sa lalo pang pagsasaayos ng lokal na industriya ng turismo sa Taytay, batay na rin sa Mun. Ordinance No. 451-2022.
Para sa mga vlogger at social media influencers na nais makipagtulungan sa [Local Government Unit] pagdating sa promosyon at marketing, ang LGU ay palaging bukas sa mga ganitong kolaborasyon, subalit ito ay saklaw ng pahintulot ng Municipal Tourism Development and Management Council, upang mailagay sa tamang “narrative” o kwento ang pagpo-promote sa bayan ng Taytay bilang isang natatanging tourist destination sa Palawan.
Nagpapasalamat kami sa lahat ng inyong mga opinyon at pinahahalagahan namin ang mga komento at mga mungkahi. Patuloy kaming magtataguyod sa Municipal Government ng Taytay, sa pamamagitan ng Municipal Tourism Development and Management Office at kaugnay na mga opisina, sa aming tourism promotion at awareness campaigns upang lalo pang palawakin ang kaalaman ng ating mga stakeholder sa turismo, ng mga taga-Taytay, at ng aming mga bisita patungo sa pagkakaron ng sustainable, regenerative, at culturally-sensitive na turismo sa Taytay.
Nais [din] naming iparating ang aming pasasalamat kay Bogito dahil sa kanyang vlog, nabuksan ang isipan ng mga Taytayano sa kahalagahan ng pagdalo sa mga public hearing. Ito ang tamang forum para maisama ang kanilang mga suhestiyon, rekomendasyon, at mga komento sa agarang pagsusuri ng mga ordinansa. Ang Sangguniang Bayan ay laging nagbibigay ng pagkakataon sa publiko na maging aktibong katuwang sa pagbuo ng mga patakaran, at hinihikayat namin ang lahat na laging gamitin ang platapormang ito.
Salamat din sa vlog ni Bogito, mas naging maalam ang mga Taytayano sa kanilang responsibilidad bilang mamamayan ng Taytay na maging mas aktibo sa pagtulong sa pag-unlad ng bayan. Nagkaroon sila ng pagkakataon na mapalawak ang kanilang kaalaman, kamalayan, kagandahang-asal, at pagiging magalang habang nakikipagtalakayan sa publiko, maging personal man o sa social media. Ito ay nagiging daan sa mas mabuting pagtutulungan sa pagsasaayos ng mga patakaran at layunin sa pag-unlad ng aming bayan,” pahayag ng lokal na pamahalaan.
Samantala, inihayag naman ng team Bogito sa pamamagitan ng Mikmik Facebook page na wala umano silang intensiyon na masama sa nasabing viral video vlog.
“[H]indi po namin [aakalain] na uulanin ng reaksiyon, uulain ng samu’t saring komento… Hindi ko rin alam na tatadtarin ng batikos ‘yung na iyon. Basta wala po kaming ibang intensiyon doon na masama,” saad ni Bogito.
(Kuhang larawan / Facebook/ Taytay, Palawan, Tourism Office)