Photo courtesy |

Repetek News

Team

Tahasang sinabi ni Chairman Atty. George Erwin Garcia na walang plano ang Commission on Elections na i-extend ang voters’ registration na magtatapos na sa ika-30 ng Setyembre, ngayong taon.

Kaya panawagan nito sa publiko na magparehistro para makaboto sa National and Local Elections sa susunod na taon.

“Doon sa mga kababayan natin na hindi pa nakakapagrehistro, yung mga kababayan natin na natanggal ang pangalan sa registration o tinatawag nating deactivated mayroon po tayo hanggang September 30 para gawin ang pagpaparehistro, pagpapa-transfer ng registration, pagpapa-reactivate ng ating registration. Dapat magawa po natin ‘yan hanggang September 30 sapagkat wala pong intensyon ang inyong Comelec

na i-extend ang inyong registration hanggang September 30 lamang,” ang panawagan ni Garcia sa mga botante.

Aniya, inaasahan ng Comelec na sa taong 2025 aabot sa 70 milyong Pilipino ang makaboboto sa halalan, sa kasalukuyan nasa 66 milyon pa lamang ang rehistradong botante sa Pilipinas. Ang bilang na ito ay nadagdagan ng mahigit dalawang milyong bagong mga rehistradong botante.

Sa kabila nito, dismayado si Garcia dahil natuklasan ng Komisyon na mahigit limang milyon ang deactivated na mga botante sa bansa.

Dagdag pa nito, marami sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan ang deactivated voters o mga botante na hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na eleksyon.

Sa Palawan, mayroong 61,000 deactivated voters kung saan nasa 5,000 pa lamang na mga botante ang nakakapag-file ng reactivation.

“Nakakalungkot po yun sapagkat ibigsabihin lang kahit anong efforts na ginagawa ng aming local ng Comelec kesehoda magparehistro sa SM, kesehoda magparehistro sa Robinson, kesehoda na pumunta sa mga malalayong barangay dito sa Puerto Princesa at Palawan o sa buong bansa, 5.2 milyon pa rin ang matatanggal na kababayan natin. Ibig-sabihin po halos parang balewala ang mga pinaparehistro namin na halos mahigit 2.2 na mga kababayan natin,” komento pa ni Garcia.

Binigyang-diin ng opisyal, sa pamamagitan ng pagboto mararamdaman ang pagkakapantay -pantay sa lipunan. Ito ay maipagmamalaki ng bawat isa lalo na ng mga kabataan na sila ay may partisipasyon sa paghahalal ng mga bagong mamumuno sa bansa.

Aniya, walang karapatan ang isang indibidwal na magreklamo sa perfomance ng isang partikular na lider kung ito ay hindi naman bumoto sa panahon ng halalan.

Samantala, nakiusap naman si Garcia sa mga kabataan na iboto ang nararapat na lider.

“Ang paki-usap ko lang po sa mga kabataan ay ito walang problema na makakaboto tayo pero sa akin pong palagay hindi sapat na makakaboto lang tayo dapat boboto tayo ng tama base sa ating konsensya, base sa ating puso, base sa pagkakakilala natin sa mismong kandidato hindi dahil nakita natin ang kandidato sa tv, nasa telenovela, sikat sa social media, kinakailangan ang pagboto natin dahil siya ang nararapat sa bayan natin, sa siyudad natin, sa probinsya natin at sa buong bansa, yan ang pagiging tunay na botanteng Pilipino”, binigyang diin pa ni Garcia.