Tahasang inihayag ni Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) Superintendent Gary Garcia na hindi gigibain ng Kawanihan ang limang kabahayan na pinadalhan ng ‘notice to vacate’ sa Sitio Tagbarungis, Barangay Inagawan-Sub, Lungsod ng Puerto Princesa, kamakailan.
Paliwanag ng opisyal, ang ipinadalang liham ay bahagi lamang ng paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang kasong illegal occupancy laban sa mga residenteng umano’y ilegal na naninirahan sa lugar, na nasa ilalim ng pag-aari o land claims ng Kolonya.
“Actually po, ‘yong sa demolition po ay bahagi ng judicial process. Kasi ang lugar ay gagamitin ng gobyerno at tatayuan ng agri-camp. So, hindi ibig sabihin na kapag nagbigay ka ng notice to vacate ay gigibain na ang mga bahay. Hindi natin ‘yon gagawin dahil bahagi lang ito ng pagsasampa natin ng kaso laban sa kanila,” pahayag ni Garcia.
Batay sa datos na nakalap ng news team, umaabot sa apatnapung libong (40,000) ektarya ang kabuuang land claims ng Bureau of Corrections (BuCor) noong 1912, ayon sa Executive Order No. 67. Sa kasalukuyan, nasa dalawampu’t walong libong (28,000) ektarya na lamang ang hawak ng Kawanihan matapos maibahagi ang tinatayang labindalawang libong (12,000) ektarya sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.
Pinabulaanan naman ni Garcia ang alegasyong tinakot ng mga guwardiya ng IPPF ang ilang residente sa lugar. Aniya, wala namang ganitong aksyon mula sa mga tauhan ng Kawanihan.
Actually, marami na rin kaming nasampahan ng ganitong kaso at naresolba naman, na pabor sa pamahalaan,”
ani sUPT. GARY Garcia.
“Pinatawag ko nga ang mga personnel natin na naka-assign diyan. Wala naman daw silang pananakot. Ang sinabi lang nila ay mag-self-demolish na lang sila (ang mga residente), pero ‘yong sinasabing pananakot ay may dagdag na kuwento para pasamain ang ating mga personnel,” giit ni Garcia.
Nananawagan din si Superintendent Garcia sa mga apektadong pamilya na huwag nang magdagdag ng mga istruktura sa lugar dahil malinaw na ito ay paglabag sa status quo order – isang kautusang walang dapat baguhin habang nasa hurisdiksyon pa ng Sangguniang Panlungsod ang usapin.
Nilinaw rin ng opisyal na kung sakaling may pagtatayong muli ng anumang estruktura sa lugar, may karapatan ang Kolonya na gibain ito anumang oras.
Ulat ni Pong Idusora