PALAWAN, Philippines — Handang-handa na ang pamunuan ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) sa darating na panahon ng El Niño, ayon kay General Manager Walter P. Laurel.
Ani Walter, mayroon silang ginawang pag-aaral sa mga pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa lungsod at lumalabas dito na sapat ang suplay ng tubig maging sa pagsapit ng El Niño.
“Very ready ang ating water district based sa ating analysis ng supply at demand — wala tayong mararanasang shortage dahil hindi [mawawalan ng] tubig hanggang end of May.
Mayroon po tayong mga study na ginawa [riyan] para sa ating Montible source, kayang-kaya po [ang pagsu-supply,” pahayag ni Laurel.
Aniya pa, 90,000 cubic meters per day ang kapasidad ng mga water sources, sobra sa 85,000 cubic metesr per day na demand sa lungsod. At kung matutuyo naman ang mga water sources gagamitin ang mga deep wells para maabot ang demand ng lungsod.
“[A]ng demand natin ay 85,000 cubic meter per day. As of now, nasa 90,000 cubic meter per day ang ating capacity. So worst case scenario po matututyo lahat ng ating sources, yung ating Montible has still around 40,000 cubic meters per day so it will be supplemented with our existing deep wells para ma-meet po natin ang ating demand,” dagdag pa ni Laurel.
Ani Laurel, 70% ng suplay ng tubig sa buong Puerto Princesa ay nanggagaling sa Montible river.