Photo Courtesy | Bureau of Immigration

Ni Marie F. Fulgarinas

PUERTO PRINCESA CITY — Inihain ng Bureau of Immigration (BI) ang warrant of deportation sa isang American National dahil sa kasong kinasasangkutan nito at kinakaharap na patung-patong na reklamo mula sa mga residente ng bayan ng Taytay, Palawan, nitong Pebrero 5.

Batay sa ulat ng ahensya, inaresto ng mga tauhan ng BI katuwang ang ilang law enforcement unit ang isang ‘undesirable foreigner’ na inirereklamo ng mga residente ng nabanggit na bayan.

Sa joint operation ng Philippine National Police – Field Operations Division at Intelligence Group, isinilbi ng mga tauhan ng BI ang Warrant of Deportation laban kay Daniel Earl Ayers, 59-anyos, American national.

Si Ayers ay idineklarang persona non grata ng mga opisyales ng Brgy. Bato, Taytay, dahil sa patung-patong na reklamo gaya na lamang umano nang pagmumura, hindi paggalang sa maraming residente sa lugar, at pagbabanta sa buhay ng mga ito, ayon kay BI Intelligence division chief Fortunato Manahan Jr.

Dagdag dito, una na ring naaresto si Ayers noong Setyembre 2022 dahil sa paglabag sa Sec. 77 of Presidential Decree (PD) 705 o mas kilalang Forestry Reform Code of the Philippines matapos mahuli sa kaniyang pagmamay-ari ang ‘illegally acquired banned species of wood’ na gagamitin sa pagtatayo ng kaniyang bahay.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Norman Tansingco na polisiya ng kanilang tanggapan na itaguyod ang batas at protektahan ang interes ng masang Pilipino.

“Our primary responsibility is to ensure the safety and security of our nation. This operation reflects our unwavering dedication to enforcing immigration laws and maintaining public order,” pahayag ni BI Comm. Tansingco.

Matapos sumailalim sa surveillance ng tanggapan si Ayers, inaresto ang banyaga ng mga tauhan ng BI at Taytay Municipal Police Station (MPS) nitong nakalipas na Lunes na kalauna’y inilipat sa Warden Facility ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig, habang pinoproseso ang implementasyon ng kaniyang kinakaharap na deportation order.

Author