PHOTO//WESCOM ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

Ni Vivian R. Bautista

NAKIISA ang Western Command (WESCOM) sa bayan ng Kalayaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125th Philippine Independence Day nitong Hunyo 12, 2023 na ginanap sa Pag-asa Island.

Ang nasabing pagdiriwang ay minarkahan din ang 45th Founding Anniversary ng munisipalidad ng Kalayaan.

Ang nasabing kaganapan ay nilahukan ng iba’t ibang personalidad gaya ng Team WESCOM, sa pangunguna ni Vice Admiral Alberto Carlos PN, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga tropa mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at buong komunidad ng Kalayaan.

Nagsama-sama sa seremonya ang lahat ng mamamayan mula sa isla, kabilang ang mga sundalo at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, sa harap ng monumento at flagpole ng munisipyo ay nagsimula sila sa pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas na sinundan naman ng pagtaas ng Watawat ng Pilipinas.

Sa seremonya, binigyang-diin ni VAdm Carlos ang kahalagahan ng pagtutulungan upang maprotektahan at mapangalagaan ang ating soberanya sa WPS.

Kinilala niya ang mga sakripisyong ginawa ng ating magigiting na mga sundalo, noon at sa kasalukuyan na wala umanong pag-iimbot na naglingkod sa ating bansa at walang pagod na nagtrabaho para pangalagaan ang ating mga hangganan, batay sa Facebook post ng Western Command Armed Forces of the Philippines.

“Sa ika-125 na paggunita ng kasarinlan ng Pilipinas, ang pinakamalaking pagsaludo ay para sa mga tapat at matatapang na mga kalalakihan at kababaihan na nakipaglaban sa maraming digmaan, at para sa mga taong, hanggang kasalukuyan, ay patuloy na nag-aalay ng kanilang buhay upang mapanatili ang kapayapaan sa ating teritoryo at paligid”, pahayag ni VAdm Carlos sa kanyang talumpati sa harap ng buong komunidad at ng tropa.

Sa kanyang mensahe sa Araw ng Kalayaan, ipinahayag ni Mayor Roberto Del Mundo ang kanyang pagpapahalaga sa hindi natitinag na pangako ng komunidad sa kalayaan ng ating bansa. Hangad din niya ang patuloy na kaunlaran ng Kalayaan Municipality at West Philippine Sea (WPS).

Ang okasyon ay isang napakagandang paalala na ang mga Pilipino, anuman ang kalagayan o lokasyon, ay dapat na patuloy na magtulungan nang may sigla at lakas upang mapanatili ang masipag na pagsasarili, kalayaan, at kapayapaan ng ating bansa.

Author