LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Dumalo sina Vice Admiral Alberto Carlos PN, Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) at Vice Admiral Toribio Adaci Jr., ang Flag Officer-in-Command, Philippine Navy (FOIC, PN) sa isinagawang seremonya ng United States (U.S) Seventh Fleet Change of Command na ginanap sa Yokosuka Theater, bansang Japan, nitong Pebrero 15, 2024.
Isinagawa ang opisyal na paglipat ng awtoridad at responsibilidad mula kay Vice Admiral Karl Thomas USN patungo kay Vice Admiral Fred Kacher USN na kung saan ay sinaksihan ito ng mga panauhin kabilang sina VA Carlos, VA Adaci, at tatlo pang matataas na opisyal mula sa Navy at WESCOM Headquarters.
Ang U.S. Seventh Fleet, ang pinakamalaking forward-deployed fleet ng Navy, na nag-host ng nasabing kaganapan.
Ayon sa Wescom, ang kapansin-pansing representasyong ito ay binibigyang-diin umano ang matagal nang alyansa at mutual na pangako sa pagitan ng U.S. at ng Pilipinas pagdating sa pagtataguyod ng internasyonal na kaayusan na nakabatay sa mga patakaran at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng Indo-Pacific.