LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Muli na namang hinarang ng mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM) ang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) vessel na MRRV 4407 na regular na nagsasagawa ng resupply at rotation mission sa BRP SIERRA MADRE (LS 5) sa Ayungin Shoal, nitong Marso 5.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (WPS), ang nasabing insidente ay naganap nitong Martes na kung saan ay nakaranas umano ng pangha-harass, pagharang sa mga barko ng Pilipinas, gumamit ng water cannon, at nagsagawa ang mga sasakyang pandagat ng Tsina ng mga mapanganib na maneobra sa isa pang pagtatangkang hadlangan ang mga nasabing barko ng bansa.
Ayon pa sa task force, nagsagawa umano ng mapanganib na pagharang ang China Coast Guard (CCG) vessel 21555 laban sa PCG vessel na MRRV 4407 bandang 06:32H na naging sanhi ng maliit na banggaan na nagresulta sa pagkasira ng istruktura sa katawan ng barko ng PCG.
Bandang 0815H naman isang sasakyang pandagat ng CCG ang nagdulot nang bahagyang banggaan sa Unaizah Mayo 4 (UM4) dahil sa mapanganib na mga maniobra nito sa pagharang sa nasabing resupply boat na kalaunan ay sabay-sabay na sinabuyan ng mga water cannon ng CCG vessels 21555 at 21551 ang UM4 na nagresulta sa pagkasugat ng hindi bababa sa apat (4) na tauhang sakay ng nasabing resupply boat dahil sa pagkabasag ng wind shield nito.
Samantala, agad namang ginamot ng mga tauhan ng PCG mula sa MRRV ang kanilang kapwa tropang sugatan.
Dahil sa natamong pinsala sa barko at tripulante, bumalik ang UM4 sa mainland Palawan sa ilalim ng escort ng MRRV 4407.
Kaugnay nito, matagumpay naman na naka-dock ang Unaizah May 1(UM1) sa pamamagitan ng LS57 at sinimulan ang muling pagsuplay nito sa BRP Sierra Madre at umalis sa nasabing barko bandang 09:30 ng umaga.
Dahil sa iligal na pagkilos ng China gayundin ang mga mapanganib na mga maniobra nito laban sa isang lehitimong misyon ng regular na pag-suplay sa Ayungin Shoal, naglagay umano sa panganib sa buhay ng mga Pilipinong nakasakay sa UM4.
Ang sistematiko at pare-parehong paraan kung saan isinasagawa ng People’s Republic of China ang mga iligal at iresponsableng pagkilos na ito ay naglalagay ng duda sa katapatan ng mga panawagan nito para sa mapayapang diyalogo at pagbawas diumano ng mga tensyon sa mga pinag-aagawang isla na pagmamay-ari ng bansa.
Ang Pilipinas, ay patuloy na kumikilos nang mapayapa at responsable, naaayon sa internasyonal na batas, partikular na ang UNCLOS at ang legal na nagbubuklod ng 2016 Arbitral Award.
Ang Pilipinas ay hindi mapipigilan sa paggamit ng ating mga legal na karapatan pagdating sa mga maritime zone ng bansa , kabilang na ang Ayungin Shoal na bahagi ng Exclusive Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas.