REPETEK FILE PHOTO

Ni Ven Marck Botin

“[T]he Supreme En Banc resolved to grant the Petition for Writ of Kalikasan, under the Rules of Procedure for Environmental Cases,” ayon sa ulat ng Supreme Court Public Information Office.

Binigyan ng sampung (10) araw ang DENR, MGB, at dalawang minahan na sagutin ang reklamong inahain ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) ng Barong-barong, Ipilan, Calasaguen, Aribungos, Maasin, at Mambalot (BICAMM).
Kasunduan ng Pilipinas, Celestial Mining

Matatandang taong 1993 nang pumasok sa kasunduan ang bansang Pilipinas at Celestial Mining kung saan nilagdaan ang Mineral Production Sharing Agreement o MPSA. Sa kasunduan, nakapaloob ang humigit-kumulang 2.9 libong ektaryang lupain ang mapapasailalim sa operasyon ng minahan.

Nakasaad din sa kasunduan ang opisyal na pagtalaga sa Ipilan Nickel Corporation (INC) bilang mining operator na kung saan ay magtatagal sa loob ng dalawampu’t limang (25) taon.

Ngunit taong 2015 ng mag-expire ang Environmental Compliance Certificate o ECC ng Celestial Nickel Mining and Exploration Corporation (Celestial Mining). Sa kabila ng pag-expire ng ECC, nagpatuloy pa rin ang Celestial Mining at INC sa walang habas na pamumutol ng punongkahoy sa Mountain Range ng Mt. Mantalingahan na ayon sa mga katutubo ay nagiging sanhi ng malawakang ‘deforestation’ sa nabanggit na kabundukan.

Taong 2018 ng maiulat na hindi rin nai-secure ng Ipilan Nickel Corporation ang Certificate of Precondition mula sa pamunuan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa renewal ng MPSA. Sa kabila nito, ang INC ay nagpatuloy pa rin sa operasyon ng pagmimina sa lugar.

Matatandaan din na taong 2020 ng maglabas ng kautusan si dating DENR Secretary Roy Cimatu na pinalalawig nito ang kasunduan hanggang ika-10 ng Abril 2025.

Nitong nakaraang taon, direktang iniutos ng DENR sa INC na ihinto ang konstruksyon ng port ng minahan “for the lack of a valid Miscellaneous Lease Agreement approved by the DENR MIMAROPA Regional Office”.

Sa kaparehong taon, naglabas din ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point, Palawan “requesting the MGB to investigate the mining areas claimed by INC and recall issued permits pending investigation,” subalit walang aksiyon ang Mines and Geosciences Bureau sa reklamong inihain ng mga katutubo.

Dahil sa walang aksiyon ang ahensya, muling naglabas ng resolusyon ang Sangguniang Bayan kung saan hinihikayat si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa pamamagitan ng kalihim ng DENR na mag-imbestiga sa operasyon ng INC sa kabila ng kakulangan ng permits.

Sa resolusyon, sinabing walang clearance from the Protected Area Management Boards, Certificate of Precondition mula sa NCIP, at pag-endorso ng iba’t ibang Local Government Units (LGU) ng Brooke’s Point para sa pagpapalawig ng kasunduan.

“On September 19, 2022, the Sangguniang Bayan, in a resolution, urged the Palawan Council for Sustainable Development to recall INC’s Strategic Environmental Plan Clearance System due to numerous violations committed by INC, such as illegal cutting of trees, absence of public consultation, unsupervised cutting of trees, use of unregistered chainsaws, and excavation and hauling of minerals, all of which adversely affect the life and health of Brooke’s Point’s residents,” saad ng tanggapan ng pampublikong impormasyon ng Korte Suprema.

Samantala, nitong ika-20 ng Hunyo 2023 nang maglabas ng kautusan ang NCIP na ihinto at ipagliban ang free and prior informed consent o FPIC na isinasagawa ng INC at Celestial Mining dahil sa mga reklamong inihain ng ICCs na mayroong pagsusuhol upang makuha ng suporta ng mga katutubong indibidwal sa lugar.



Ang lupang tinutukoy ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ay sakop ng ancestral domain o lupang ninuno ng mga katutubo at sakop din ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS) ng Mt. Mantalingahan Mountain range na dapat ay hindi magsagawa ng anumang mining activities.

Ayon pa sa ICCs, ang MPSA ay expired na at illegal ang pagpapalawig ng kasunduan. Binigyang-diin din ng mga katutubo na ang INC at Celestial Mining ay nagpapatuloy pa rin sa pamumutol ng mga punongkahoy sa kabundukan sa kanila na wala umanong kaukulang permit at expired na ang kanilang Environmental Compliance Certificate (ECC).

Kinumpirma rin ng ICCs na ang INC at Celestial Mining ay iligal na nagsasagawa ng pagmimina sa kabundukan kahit walang kaukulang ‘Certificate of Precondition’ mula sa NCIP.

Sinabi rin ng mga katutubo na nasisira ang kalikasan dahil sa hindi pag-aksiyon ng DENR sa iligal na operasyon ng minahan sa lugar.

Ayon sa ICCs, ang pagbubungkal sa Mt. Mantalingahan Mountain Range na sakop ng mga bayan ng Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Española, Quezon, at Rizal ay maghahatid ng malubhang pagkasira ng kalikasan at magdala ng mga pagbaha, kontaminasyon ng mga katubigang pangisdaan “which continually prejudice the life, health, and property of the residents”.



Matapos ang pag-imbestiga ng Korte Suprema kaugnay sa reklamong inihain ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) ng BICAMM Ancestral Domain, binigyang pagkakataon ang pamunuan ng DENR, MGB, Ipilan Nickel Corporation (INC) at Celestial Nickel Mining and Exploration Corporation (Celestial Mining) na sagutin at maghain ng paliwanag sa kinakaharap na reklamo.

“The Court also applied the precautionary principle, as laid down in the 2021 case of PTK2 H20 Corp. v. Court of Appeals. Under the principle, a project proponent is required to provide evidence to dispel concerns regarding potential harmful impact of a project to the environment, shifting the burden of evidence of harm away from those likely to suffer harm and onto those desiring to change the status quo,” saad ng SC Public Information Office.

Ayon pa sa ulat, kapag napatunayan ng hukuman na mayroong “possibility of serious and irreversible harm on the environment and the inhabitants of Brooke’s Point located in the Mt. Mantalingahan Mountain Range”, ang writ of kalikasan na inilabas ng korte laban sa project proponents na INC at Celestial Mining ay “required to provide evidence to dispel concerns regarding potential harmful impact of a project to the environment”.

Dagdag dito, mananagot din ang DENR and MGB sa walang aksiyon hinggil sa sigaw ng taumbayan kontra sa operasyon ng minahan.