Photo courtesy | CIO Puerto Princesa
GANAP na 5:30 ng hapon bukas, Oktubre 15, araw ng Linggo, bubuksan ang World Table Tennis (WTT) Youth Contender Puerto Princesa 2023.
Ang Pilipinas ang host nito ngayong taon kung saan ay gaganapin sa City Coliseum, lungsod ng Puerto Princesa.
Ang sports event na ito ay inorganisa ng Philippine Table Tennis Federation (PTTF) sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay City Sports Director Atty. Gregorio “Rocky” Austria, ito ay lalahukan ng mga bansang Taiwan, Hongkong, Indonesia, Japan, South Korea, Singapore, Malaysia, Thailand, England, United States, at host country.
Oktubre 12, nagsimulang dumating sa lungsod ang mga delegado at manlalaro ng table tennis. Humigit-kumulang dalawandaang (200) manlalaro ng ping pong ang maglalaban-laban para sa kampeonato sa iba’t ibang kategorya.
Aniya, halos isang linggo ang kompetisyong ito na binigyan-diin na malaki rin ang maitutulong sa turismo ng lungsod dahil tiyak na ang mga bisita ay mag-iikot sa iba’t ibang pasyalan at atraksyon sa Puerto Princesa.
“Dito ginanap ang selection ng southeast asian team ng Philippines kung matatandaan mga few months ago yong PTTF–‘yong ang association na recognized ng Philippine Sports Commission ‘yun ang ng table tennis, sila ang nag-conduct dito sa atin ng selection ng sea games athletes at nakita nila very capable at competent ang mga taga-Puerto Princesa,” paliwanag ni Austria.
Ang aktibidad na ito ay magtatapos sa ika-21 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Samantala, tinuran naman ni Assistant City Administrator Carlo Abogado na ang naturang international event ay bahagi ng Subaraw Biodiversity Festival na taun-taon ipinagdiriwang sa siyudad simula taong 2018.