Photo Courtesy | Busuanga Public Information

Ni Marie F. Fulgarinas

PUERTO PRINCESA CITY — Pormal nang sinimulan ang groundbreaking at procurement ng 328 fully-developed lots at completed housing units sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) ng National Housing Authority (NHA) nitong Biyernes, Marso 8.

Batay sa ulat ng Busuanga Information Office, ang pabahay ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang 170 milyong piso na nakatakdang ipamahagi sa mga biktima ng Typhoon Yolanda.

Matatandaang noong taong 2013, nanalasa ang bagyong Yolanda na kumitil ng libu-libong buhay at sumira ng milyung-milyong ari-arian sa bansa.

Samantala, inihayag naman ni Punong Bayan Elizabeth Cervantes ang pasasalamat ng Lokal na Pamahalaan sa National Housing Authority dahil matutupad na umano ang pangarap na pabahay ng mga biktima ng Yolanda.

Aniya, bagama’t naantala ang proyekto ng ilang taon, ngayong Marso 2024, ay pormal na itong napasinayaan na kung saan ay nakatakdang magkakaroon ng maayos, permanente, sariling pabahay ang mga nabanggit na benepisyaryo.

Ang seremonyas ay pinangunahan ni Cervantes kasama sina Bise Alkalde Elvin Edonga, Regional Manager National Housing Authority Region 4 Roderick T. Ibañez,at OIC National Housing Authority MIMAROPA District Engr. Maximo R. Cabasal

Author