Photo | REPETEK TEAM

PALAWAN, Philippines — MAS tinatangkilik na ngayon ng mga nagnenegosyo sa lungsod ng Puerto Princesa ang online na pagproseso ng kanilang mga permit sa negosyo.

Sa ibinahaging datos ng Business Permits and Licensing Office o BPLO mayroon na silang naisyung 1,189 new permits na may total capitalization na 359,435, 014.50 at 9,597 renewed permits na may total gross na 50,696,452,338.35.

Ang kabuuang business fees at nakolektang taxes naman ay 301, 542,143.62.

Sa nabanggit na bilang, nakapagtala naman ng 39,439 employees. Pagdating naman sa type of ownership mas marami pa rin ang mga negosyanteng lalaki sa bilang na 5,375 kaysa babae- 3,705 at juridical- 10,786.

Ayon kay Steph Magay ng BPLO ang datos na ito ay naitala ng kanilang opisina simula Enero hanggang Abril 16, 2024.

“Ang inaanticipate ng City Treasurer’s Office is by the end of 2024 ay lumagpas, maabot na natin ang 500 milyon na koleksyon sa fees and taxes,” ani Magay.

Aniya, 70% ng kanilang naiprosesong permit ngayong taon ay pawang naisakatuparan sa pamamagitan ng online. Binanggit din nito na target ng BPLO na maipatupad ang Zero Contact Policy sa mga susunod na taon.

“We’re proud to say po na siguro po mga 70% or more than that po ng ating local permit issued for this year through online.. maybe next year or this coming years mapa-implement talaga natin ang Zero Contact Policy para hindi na sila pupunta sa office,” pahayag ni Magay.

Dagdag pa rito, ang city government at SM Puerto Princesa City ay nagkaroon ng memorandum of agreement kung saan nagtalaga ng isang lugar sa loob ng naturang mall para sa Business One Stop Shop (BOSS) kung saan maaaring magrenew ng permit ang mga negosyante.

Kanila ring sinanay ang mga liaison officer ng iba’t ibang mini city hall sa lungsod, silang itatalaga sa paglalakad at pag-aasikaso ng mga business permit ng kanilang mga kalapit na barangay.

“Naibsan ang pamasahe at hirap mag-access ng business permit,” aniya pa.

Ayon pa sa representante ng naturang opisina, nagsimula nang mag-inspeksyon ang BPLO nito lamang huling linggo ng buwan ng Pebrero. Barangay Sta. Monica na lamang aniya ang kanilang hindi pa naiikutang barangay dito sa city proper.