November 6, 2026
FB_IMG_1793968810111

Photo Courtesy: PalPPO

Ni Samuel Macmac

Nasakote ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang High-Value Individual (HVI) nang ikasa ang anti-illegal drugs buy-bust operation sa bayan ng Dumaran, Palawan.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Bobet”, 42-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Capayas, nabanggit na bayan.

Nadakip siya nang magbenta umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa police undercover kapalit ng P2,000.00.

Nakuha mula sa kaniya ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu habang isinasagawa ang paghahalughog. Umabot sa tinatayang 2.47 gramo ang kabuuang timbang ng mga nasamsam na droga na may tinatayang halagang P13,084.00.

Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, isang pakete ng New Berlin cigarettes, isang RUSI 150 motorcycle, at isang TECNO POVA 5 Pro cellphone.

Isasailalim ang mga nakumpiskang droga sa Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination, habang ihaharap naman sa Provincial Prosecutor’s Office ang iba pang ebidensya para sa pagsasampa ng kaso.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Dumaran Municipal Police Station (MPS) habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *