Subaraw Biodiversity Festival, nais gawing pang-international
Ni Clea Faye G. Cahayag
Isinusulong ng City Government of Puerto Princesa na maging isang international event ang Subaraw Biodiversity Festival sa susunod na taon.
Naanawagan si City Mayor Lucilo R. Bayron sa mga mamamayan ng lungsod na patuloy itong suportahan upang higit pa itong lumaki at makilala maging sa ibang bansa.
Aniya, kapag ito’y naging isang ganap na international event, maraming dayuhan ang bibisita sa lungsod na malaki ang maitutulong sa turismo.
“Ngayon gusto kong ibalita sa inyo na next year mas malaki ang selebrasyon na gagawin natin. We take another step towards doon sa pangarap natin na ang Subaraw Biodiversity Festival ay maging isang international event.
Ang panawagan ko sa mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa ngayon huwag na nating bitawan ito, ituluy-tuloy na natin ito. Ipaglaban na natin ito. Huwag tayong tumigil, palakihin natin ito dahil kapag ito ay nagawa nating international event na pupuntahan ng mga galing sa ibang bansa upang maging spectator o makilahok sa mga events natin makakatulong sa kinabukasan sa lungsod ng Puerto Princesa sa susunod nating henerasyon,”panawagan ng Alkalde.
Ayon kay Bayron, nagsimula ang pagdiriwang na ito matapos mapabilang sa New 7 Wonders of Nature ang Puerto Princesa Underground River (PPUR) noong ika-11 ng Nobyembre taong 2011.
Ngunit bago pa ang deklarasyon, ito ay isa nang national park at UNESCO World Heritage Site.
Mula sa isang local event na ginaganap sa Sabang, mas pinalawak ang selebrasyon nito sa pamamagitan ng isang Presidential Proclamation na inisyu ni dating Pangulong Benigno Aquino lll noong 2014 na kumikilala sa PPUR bilang isa sa New 7 Wonders of Nature.
Dumaan ito sa rebranding, ang noo’y PPUR Day ay naging Subaraw Biodiversity Festival, isa nang national event.
Binigyang-diin ni Bayron, ang pagdiriwang na ito ay isang paalala sa bawat mamamayan na may responsibilidad silang pangalagaan ang kapaligiran.
“Sini-celebrate rin natin ito upang maging paalaala sa lahat ng mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa na ang bawat isa sa atin ay mayroong tungkulin, mayroong responsibilidad na pangalagaan natin ang ating kapaligiran kasama na doon ang habitat at biodiversity ng ating lugar dahil tunay na maipagmamalaki natin ang lungsod ng Puerto Princesa,” ayon pa sa kanya.
Giit pa ng alkalde, napakahalaga ng pagkakaisa upang maging mas epektibo ang mga hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan.
“Ito’y panawagan na hindi ito trabaho ng isang organisasyon lang kundi ito ay trabaho ng buong lungsod ng Puerto Princesa. Kailangan magkaisa tayo sa direksyon na ito. Mahirap ang hinaharap, hindi biro ang ating hinaharap kaya kung anuman ang mga naabot nating tagumpay ay talagang maipagmamalaki ng mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa,” dagdag pa niya.
Sa huli, idineklara ni Bayron na naging makulay, masaya, matagumpay at makabuluhan ang Subaraw Biodiversity Festival 2026. Ito ay nakamtan sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isang mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa.