November 15, 2026

Apurawan at Culandanum, target mapailawan sa Disyembre

0
1794632872869

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea Faye G. Cahayag

Sisimulan na ang Sitio Electrification Program-Barangay Line Enhancement Program (SEP-BLEP) sa Barangay Apurawan at Culandanum sa bayan ng Aborlan, Palawan.

Ito ay kasunod ng isinagawang groundbreaking ceremony noong ika-6 ng Nobyembre, na naglalayong maihatid ang serbisyo ng kuryente sa mga residenteng matagal nang naghihintay na mabenepisyuhan nito.

Ayon kay Palawan Electric Cooperative (PALECO) General Manager Rez Contrivida, unang nagsagawa ng sarbey sa lugar upang matukoy ang bilang ng mga residente at kabahayan upang makabuo ng technical designs para sa pagtatayo ng mga linya ng kuryente.

Aniya, ang proyekto ay pinondohan ng National Electrification Administration o NEA at naging posible sa pakikipagtulungan at suporta nina Congressman Gil Acosta Jr.,Board Member Rafael Ortega Jr., at Aborlan Municipal Government.

Nakarating na rin umano ang mga kinakailangang materyales at nakatakda na ang pag-iskedyul ng mga lineman o Task Force Kapatid para mapabilis ang pagsasakatuparan ng proyekto.

Hinikayat ni Contrivida ang mga residente ng Aborlan na makipagtulungan sa programa at huwag harangan ang pagtatayo ng mga poste lalo na kung ito ay malapit sa lupa na kanilang inookupahan.

Malaking bagay rin na panatilihing malinis ang power line corridor upang maiwasan ang patay-sinding elektrisidad.

“Galing Napsan para makaabot dito sa Apurawan, Culandanum kailangan walang maka-touch doon sa linya natin. [Dahil] live siya, walang mag-touch dahil kapag may nag-touch, sensitive ‘yan, mamamatay ‘yan parang makahiya kasi protection ‘yan na hindi dapat dumikit ang live sa ground,” paalala pa niya.

Binanggit din nito, ang planong pagtatayo ng power plant sa brgy. Apurawan upang masuportahan ang lalaki pang demand ng kuryente sa lugar.

“Ako po ay humihingi sa inyo ng suporta para matupad ang pangrap dito sa Barangay Apurawan. Kami ay babalik dito ulit sa energization program. Sana nandito kayong lahat at sana mas marami na kayo dahil alam natin maraming mag-aaplay para ipaliwanag namin ano ang mga sunud- sunod na proseso para mabigyan kayo ng kuryente,” dagdag pa ni Contrivida.

Ito ay tinawag na “blessing” ni Mayor Tito dahil matagal nang inaasam ng mga residente na mapailawan ang kanilang lugar. Aniya, marami ang magbebenepisyo nito.

Aminado naman si Board Member Rafael Ortega Jr., na dati siyang nagpahayag ng pagkadismaya sa serbisyo ng Paleco at nanindigan na dapat hindi na bigyan pa ng franchise renewal ang kooperatiba.

Ngunit matapos niyang marinig ang mga hakbang na ginagawa ng kooperatiba upang mapalawak ang serbisyong elektrisidad sa mga liblib na lugar, handa na siyang magbigay ng “favorable endorsement” sa franchise extension ng Paleco.

“Dahil diyan Engr. Rez—binabawi ko na ang mga sinabi ko. Ngayon ay p’wede na ako magsalita sa Sangguniang Panlalawigan na favorable endorsement na talaga ang ibibigay namin sa Paleco para sa franchise extension,” pahayag ni Ortega.

Samantala, nakiusap si Cong. Acosta sa municipal government ng Aborlan na huwag harangin ang aplikasyon ng mga residente na wala pang titulo ang mga lupa.

“Ang aking pakiusap kung maaari po rito sa Apurawan, gumastos na ang gobyerno, maaari bang pagbigyan natin ang ating mga kababayan na walang mga titulo ang lupa na ‘pag sila ay nag-aplay payagan po ng munisipyo?,” hiling ng kongresista.

Positibo naman ang naging tugon ni Mayor Tito.

Umaasa si Acosta na mapapailawan na sa Disyembre ang brgy. Apurawan at Culandanum sa Aborlan.

“Umaaasa ako— December, by hook or by crook, magkakaroon ng liwanag dito sa Barangay Apurawan hanggang doon sa Culandanum..,” saad niya.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *