Seryoso ang Dengue, magpakonsulta kung may sintomas
Ni Albert Villamor Jr.
Huwag ipagsawalang-bahala ang mga posibleng senyales ng dengue.
Ito ang paalala sa publiko ng Provincial Health Office (PHO) of Palawan.
“Kapag may sintomas, magpatingin agad sa pinakamalapit na health facility. Maagang pagpapatingin at agarang pagkilos ay mahalaga upang maiwasan ang malubhang komplikasyon ng dengue,” ayon sa paalala ng PHO-Palawan.
Ang mga sintomas ng infection ng dengue ay: Lagnat; Pagpapantal, Pagkahilo at Pagsusuka; Pananakit ng katawan, kalamnan, at mga mata.
Kapag malala ang kaso ng dengue: Pananakit ng tiyan; Pagsusuka; Pagdugo ng gilagid; Pagdugo ng ilong; Pagsuka ng dugo; Dugo sa dumi ng tao; at Panghihina.
“Ang warning signs ay kadalasang lumalabas matapos mawala ang lagnat ng maysakit,” ayon pa rin sa PHO-Palawan.
Kung sakaling kailangan ng gamutan sa ospital, may PhilHealth Package na makatutulong sa gamutan.
“Libre ang Konsulta sa hotline 1555, press 2!,” ayon sa PHO-Palawan.
“Samantala, makiisa sa 4Ts—Taob, Taktak, Tuyo, Takip—upang maiwasan ang pagdami ng lamok na maaaring magdala ng dengue,” paalala ng PHO-Palawan sa publiko.