Lantsa, bahagyang lumubog sa Cagayancillo
Photo courtesy:CGDPAL
Ni Rodolfo Idusora
Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng tripulante ng ML Bahagia nang masira’t bahagyang lumubog sa karagatan malapit sa Santa Cruz, Cagayancillo, Palawan noong Nobyembre 26.
Ayon sa ulat ng ahensiya, ini-report sa kanilang istasyon sa Palawan ang insidente. Pinasok ng tubig-dagat ang lantsa habang naglalayag malapit sa Dondonay Island.
Kinumpirma ng PCG na ligtas ang 11 tripulante, kabilang ang kapitan ng barko. Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente.
Ayon sa ulat, bumangga umano ang barko sa bahura malaipt sa isla ng Dondonay. Nasira ang kanang bahagi ng lantsa na mabilis namang pinasok ng tubig-dagat hanggang bahagyang lumubog.
Nitong Nobyembre 27, nagpapatuloy ang pagbababa ng natitirang kargamento para sa recovery operation ng lantsa.