Puerto Princesa City | Naging matagumpay ang isinagawang Third Maritime Cooperative Activity (MCA) sa West Philippine Sea (WPS) nitong Pebrero 9, 2024.
Naging posible ang naturang aktibidad sa pamamagitan ng pinagsamang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) na nagpapakita ng matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon sa WESCOM, binibigyang diin umano ng nasabing aktibidad ang matatag na pangako sa pagitan ng dalawang bansa tungo sa pagpapalakas ng seguridad at katatagan sa buong rehiyon ng Indo-Pacific sa pamamagitan ng pinakabagong bilateral na ito.
Kabilang sa mga lumahok na yunit sa isinagawang MCA ay ang BRP Gregorio Del Pilar (PS 15) ng Philippine Navy na may lulan na AW109 Naval Helicopter at ang USS Gabrielle Giffords (LCS 10) ng US Navy na may sakay na MH-60S Seahawk Helicopter.
Sa panahon ng MCA, nagsagawa ang mga kalahok ng isang serye ng mga ehersisyo kabilang ang isang passing exercise (PASSEX), communication exercise (COMMEX), photo exercise (PHOTOEX), division tactics (DIVTACS), at officer of the watch (OOW) maneuvers.
“These cooperative ventures serve not just as training for our forces at sea but as a clear signal of our shared resolve to maintain regional peace and security”, pahayag ng commander ng AFP Western Command (WESCOM), Vice Admiral Alberto Carlos habang nagagalak sa matagumpay na pagkumpleto ng pinakabagong MCA sa WPS.
Samantala, ang pagsasanay na ito ay isang nakagawian nang aktibidad na bahagi ng isang serye ng mga operasyong idinisenyo upang palakasin ang pinahusay na interoperability sa pagitan ng dalawang magkaalyadong puwersa na nakatuon sa pagsulong ng seguridad sa dagat at pagpapataas ng kamalayan sa maritime domain.