Photo courtesy | DOST

INIULAT na tatlo sa bawat sampung pamilyang Pilipino o 31.4 porsyento ang nakararanas ng katamtaman hanggang sa matinding kakulangan sa pagkain sa bansa.

Ito ang naging pagsusuri ng 2023 National Nutrition Survey (NHS) ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FRNI) na kung saan tumaas ng 2.7 porysento ang mga tahanan na nakararanas ng matinding gutom noong 2023 mula sa 2.0 porsyento noong taong 2021.

Naitala na mas mataas ang antas ng kakulangan sa pagkain sa mga tahanang may higit sa limang miyembro, mga pamilyang naninirahan sa kanayunan, at mga may pinakamababang kita. Ang mga ito ay nahihirapan sa pagkakaroon ng sapat na pagkain dahil limitado ang mapagkukunan at hindi pantay na socio-economic status.

Napag-alaman din na pito sa bawat sampu o 65.1 porsyento ng mga tahanan ang bumibili ng pagkain sa pamamagitan ng utang habang 67.3 porsyento naman ang humihiram ng pera mula sa mga kamag-anak.

Sa mga lugar tulad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Eastern Visayas, SOCCSSARGEN, Zamboanga Peninsula, at CARAGA naiulat na may mga tahanang nakararanas ng katatamtaman hanggang matinding kakulangan sa pagkain.

Samantala, sinisikap naman ng kasalukuyang administrasyon na matugunan ang food insecurity o kakulangan sa pagkain sa bansa tulad ng Walang Gutom Program (WGP) na pinalawig hanggang sa iba’t ibang probinsya. Pangunahing layunin nito na tiyakin na may access sa sapat at ligtas, at masustansyang pagkain ang lahat ng mamamayan, lalo na ang mga nasa pinakamahihirap na sektor.

Ang food assistance program na ipinagkakaloob sa mga pamilya at indibidwal na nasa krisis. Ito ay maaaring nasa anyo ng rasyon, food vouchers, o suporta sa mga feeding program sa mga paaralan.

Namamahagi rin ng mga tulong pinansyal ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng social safety nets upang matiyak na may sapat na pondo ang mga benepisyaryo para makabili ng pagkain.

Bukod dito, ang Kadiwa ng Pangulo ay nilalayong mabawasan ang mataas na presyo ng pagkain sa pamamagitan ng pagbibigay ng produktong agrikultura sa mas mababang halaga.

Author