September 13, 2026
FB_IMG_1789204406234

Photo Courtesy: Repetek

Ni Albert Villamor Jr., LPT

Umuulan na naman, pero maaring hindi mo alam na ang Pilipinas ay maaring makaranas simula ngayong 2026 hanggang 2027 ng sobrang tagtuyot o “Super El Niño”.

Huling nakaranas ang Pilipinas ng Super El Niño noong 2015-2016.

Ang Super El Niño ay isang pangyayari sa klima kung saan ang temperatura ng dagat sa central at silangang Dagat Pasipiko (Pacific Ocean) ay tumataas ng 2 °C o higit pa, kaya nagdadala ito ng pagbabago sa klima na nagpapainit sa kapaligiran.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagsimula na ang mga senyales ng El Niño sa Pilipinas noong Hunyo 2026-Agosto 2026, pero titindi pa ang tagtuyo sa Oktobre hanggang Disyembre na mas mananalasa pagdating ng unang semester ng 2027 hanggang kalahati ng 2027 kung lalala ang pagtaas ng temperatura na ngayon ay unti-unti nang nangyayari.

Ang mga magiging epekto ng posible o forecasted na Super El Niño ay: matinding tagtuyo, mainit na panahon na aabot sa 40°C, kakulangan sa tubig, panaka-nakang ulan o matinding bagyo, pagkasira ng mga ani, mas mataas na presyo ng pagkain, pagkamatay ng mga isda, at sunog sa kagubatan.

Sa Northern at Central Luzon, makararanas talaga ng tagtuyo. Sa Southern Luzon at Bicol, maaring magpalitan ang matinding init at matinding pagbaha. Sa Visayas at Mindanao, mababawasan ang ani ng mga magsasaka ng tubo at pagkasira ng mga kabuhayan.

Pinaghahandaan na ng gobyerno ng Pilipinas ang pananalasa ng Super El Niño.

Nariyan ang: Department of Agriculture (DA) para sa water management at drought-resistant, less water-intensive na mga pananim; Philippine Rice Research Institute (PhilRice) para sa maagang pagtatanim ng mga pananim na madaling mamunga at kayang sabayan ang tagtuyo, at paggamit ng Alternative Wetting and Drying (AWD); National Irrigation Administration (NIA) at PAGASA para sa pagbabantay sa mga irigasyon at pasilidad bago ang tagtuyo; Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa insurance ng mga magsasakaya sa paglaban sa epekto ng Super El Nino; at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa kahandaan ng komunidad, pagtipid ng tubig, at kaalaman ng publiko sa epekto ng tagtuyo sa kalusugan.

Ang DA naman ay mayroong ₱6.2 Billion na suporta sa mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang fuel at abono. Ang PCIC ay mayroong ₱4.5 billion para matulungan ang lampas sa 2.2 milyon na mga magsasakang posibleng maapektuhan.

Kasama ng Pilipinas ang mga bansa sa Asia-Pacific region, South America, Africa, at Central America sa pagharap sa Super El Niño.

Kaya natin ‘to!

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *