Punerarya, nananawagan sa pamilya ng 3 biktima ng June Aster
Photo courtesy: Oliver Maestro
Ni Rodolfo Idusora
Babala: Naglalaman ng sensitibong larawan at paksa. Maging disente sa pagkomento.
Malagim ang sinapit ng mga biktima ng barkong June Aster nang masunog ito kamakailan sa katubigan ng Coron, Palawan.
Lima ang naiulat na nasawi sa insidente, ayon sa inisyal na detalye ng Philippine Coast Guard.
Tatlo sa mga nasawi ay kasalukuyang inaalam ang pagkakilanlan. Ipinanawagan ng punerarya sa mga kaanak ng mga pasahero na makipag-ugnayan sa kinauukulan para makilala ang mga labi ng tatlong kalalakihan.
Ayon sa panawagan ng 5R Funeral Homes sa Barangay Guadalupe, Coron, Palawan, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong biktima at wala pa ring pamilyang kumukuha o nagki-claim sa kanilang mga labi.
Hinihikayat ang mga pamilya at kamag-anak ng mga pasaherong sakay ng MV June Aster na magsagawa ng beripikasyon kung mayroon silang kaanak na hindi pa rin nakikita matapos ang insidente.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga concerned family member sa 5R Funeral Homes para sa impormasyon hinggil sa mga labi na nasa kanilang pangangalaga.
Maaaring tawagan ang mga sumusunod na numero:
Globe: 0963-216-3612 / 0965-033-1676
Smart: 0907-546-8800 / 0964-945-6260
Mahalaga ang agarang pakikipag-ugnayan ng mga pamilya upang maisagawa ang kinakailangang proseso para sa pagkilala at pag-claim sa mga labi.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente ng MV June Aster, kabilang ang paghahanap sa mga pasaherong hindi pa natatagpuan at pagberipika sa listahan ng mga sakay ng barko.
Nanawagan din ang mga awtoridad at response teams sa publiko na magbigay lamang ng tama at beripikadong impormasyon upang maiwasan ang kalituhan sa pagkilala sa mga biktima.
Para sa mga pamilyang may nawawalang kaanak na posibleng sakay ng MV June Aster, maaaring direktang makipag-ugnayan sa 5R Funeral Homes gamit ang mga numerong nakasaad sa itaas.