Palaweño, Topnotcher sa Pharmacist Licensure Exam
Ni Albert Villamor Jr.
Nagawa ni Dexter Eclarino, isang Palaweño, na mapabilang sa top 10 sa mga nakapasa sa Pharmacist Licensure Exam (PHLE) noong Oktubre 2026.
Naabot niya ang 94.88% na rating sa naturang board exam, na naglagay sa kanya sa ika-10 na puwesto mula sa 4,944 na mga kumuha ng pagsusulit.
Siya ay dati namang iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ni dating gobernador Dennis M. Socrates.
“All glory to God, and all my love and gratitude to everyone who became part of this journey. This is not mine alone. This is all for you!,” ayon sa kanyang pahayag matapos ang resulta ng naturang board exam na pinangasiwaan ng Professional Regulatory Commission (PRC).
Siya ay nag-aral ng kolehiyo sa Saint Louis University sa Baguio City, pero produkto siya ng mga eskwelahan ng Puerto Princesa City.
Nag-aral siya sa Mateo Jagmis Memorial Elementary School, San Miguel National High School, at Palawan State University Senior High School, kung saan lahat ay nagtapos siyang may karangalan na valedictorian.
Sa Saint Louis University, nagtapos siya na isang summa cum laude ng batch 2026.