Pagpapalawak ng turismo at negosyo sa Palawan
Photo Courtesy: Repetek
Ni Clea Faye G. Cahayag
Isinusulong ni Governor Amy Alvarez ang pagpapalakas ng turismo at pamumuhunan sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang kanyang binigyang-diin sa pagbubukas ng Palawan World’s Best Island Travel and Trade Expo na ginaganap sa Cebu ngayong ika-23 ng Oktubre na layuning ipakilala ang mas maraming oportunidad sa turismo at negosyo sa Palawan.
“We are here to help build relationships, encourage investment, create opportunities for our local tourism enterprise and strengthen partnerships that will benefit our communities,” aniya.
Ayon kay Alvarez, hindi lamang ang lagoons sa El Nido, magandang isla ng Coron at long beach ng San Vicente ang maipagmamalaki ng Palawan kundi maging ang mayamang tradisyon, kultura, mga umuusbong na destinasyon at mainit na pagtanggap ng mga Palawenyo sa mga bisita.
Aniya, ang pakikipagtulungan sa Cebu ay mahalaga dahil ito ay sentro ng turismo, negosyo at international connectivity.
“There is still so much of Palawan that we want the world to experience and that is why being here in Cebu especially meaningful–we see Cebu not simply as another destination but as a valuable partner in connecting Palawan to the rest of the world. It offers an opportunity to bring Palawan closer to more travelers, more markets and more possibilities,” dagdag niya.
Inaasahang sa pamamagitan ng tatlong araw na expo mapapalawak ang ugnayan ng mga negosyante at tourism stakeholders mula sa Cebu at Palawan.
Paliwanag pa ng Gobernadora, ang turismo ay hindi lamang tungkol sa pagpaparami ng mga turistang bumibisita sa Palawan–ito ay tungkol sa paglikha ng trabaho, pagsuporta sa mga lokal na negosyo, pag-iingat sa mga likas na yaman, cultural heritage at tiyakin na mapapakinabangan ng komunidad ang mga oportunidad na dala nito.
Umaasa si Alvarez sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Cebu at iba pang Local Government Units (LGUs) mas maraming oportunidad ang mabubuksan para sa probinsya.