Cong. JCA: noong panahon ko, walang Discaya
Photo Courtesy: REPETEK
Ni Clea Faye G. Cahayag
“I can state categorically [r]ito sa inyo maski isa wala akong nalaman na ‘yung mga Discaya ay mayroong proyekto [r]ito sa Palawan,” ito ang direktang sagot ni Congressman Jose Alvarez nang tanungin ng midya.
Nag-ugat ang isyu hinggil sa ₱30 bilyong 6-lane superhighway project sa ilalim ng kaniyang panunungkulan bilang Gobernador ng Palawan taong 2017.
Kamakailan, kumalat sa social media ang isyu ng St. Gerrard Construction, isa sa mga kumpanya ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, ang umano’y isa sa mga nabigyan ng kontrata upang gawin ang bahagi ng proyektong superhighway.
Pinabulaanan ng kongresista ang akusasyon na umano’y nakinabang siya sa naturang bilyun-bilyong proyekto. Giit ni Alvarez, walang proyekto ang Discaya noong siya ang nakaupong Gobernador dahil hanggang ₱50 milyon lamang ang maaaring i-bid ng District Engineer ng isang probinsya, ang mga malalaking proyekto na umaabot sa ₱30 bilyon ay ginagawa sa kamaynilaan at wala siyang kontrol doon.
“So ‘yung mga program ng mga 6- lanes highway na ‘yan, doon ‘yan sa region.
Panahon ko, wala ‘yang Discaya. ‘Yung sinasabi nila si Gardiola. Maraming kontrata [r]ito —doon ‘yan ang bidding sa Manila, wala akong kontrol d’yan…pero ang mga Discaya during my time maski isang kontrata—wala,” paliwanag ng kongresista.
Hinamon ng dating gobernador ang sinumang may maipapakitang ebidensya ng mga proyektong iniuugnay sa kanya na maaaring beripikahin sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Wala ako maski isang Discaya na alam kung mayroon man ipakita mo sa akin, saan, anong coordinates at itanong ko sa DPWH—‘yan ang katotohanan,” giit nito.
Ayon pa kay Alvarez, kung mayroon umanong nakuhang proyekto ang Discaya, ito ay sa ilalim ng administrasyon diumano ni dating Gobernador Dennis Socrates tulad ng tulay sa Barangay Imulnod at seawall project sa Barangay Pangobilian na pawang nasa Brooke’s Point, Palawan. Aniya, ito ang dapat imbestigahan.
“Ang alam ko, panahon ni Socrates mayroong pumasok ditong Discaya…St.Timothy, tapos ‘yung tulay sa Imulnod, ‘yung St. Gerrard seawall project sa Brooke’s Point—‘yan ang dapat maimbestigahan bakit pinayagan ‘yan ni dating Governor Socrates,” komento pa ng opisyal.
Sa huli, mariing itinanggi ni Alvarez ang paratang na nakinabang siya sa mga kontratista.
Paglilinaw niya, ang kanyang mga sariling kumpanya ang sumasagot sa mga personal niyang gastusin at lhindi rin siya nagre-reimburse sa kapitolyo.
“Ako? Bakit ako makinabang? Bibigyan ako ng pera? ‘Di ko kailangan. Nu’ng Governor ako, ako ‘yung gumagastos ng fuel ko, pagkain ko. Wala akong nire-reimburse na gastos, t’saka mga eroplano ko, ‘yung gasolina, lahat ng sasakyan ko. Mga kumpanya ko ang nagsa-subsidize sa akin, walang gastos ang probinsya sa akin.”
“Makinabang ako sa kontrator? Hindi totoo ‘yun. I can say that with all candidness; Discaya, St. Timothy, St. Gerrard— wala. Zero ‘yan sa akin,” pahayag pa ng kongresista.