PHOTO| JESSE ROBREDO FOUNDATION FACEBOOK

Ni Ven Marck Botin

Ginawarang Gawad Jesse M. Robredo si Dating Brooke’s Point Mayor at kasalukuyang Bise Alkalde na si Atty. Mary Jean D. Feliciano bilang pagkikila sa kaniyang tapat na paglilingkod sa bayan.

Sa Facebook post, ipinakilala ng Jesse M. Robredo Foundation (JMRF) si Feliciano bilang isa mga ginawaran ng pagkilala sa kani-kanilang kontribusyon sa bayan at mga mamamayang Pilipino.

“[Bagama’t] sandaling nahinto dahil sa pandemya, hindi tumigil ang Jesse M. Robredo Foundation sa ating misyon na kilalanin ang ilang mga natatanging [punumbayan]. Patuloy nating hinanap ang mga taong nagpakita ng tapat na paglilingkod sa bayan, gaya ni Sec. Jesse, na nag-alay ng kanilang sarili para sa kapakanan ng nakararami. Buong puso nating isinusulong ang prinsipyong ito, na ang paglilingkod sa bayan ay hindi nauukit sa pansariling interes, kundi sa pagsusumikap na magbigay ng makabuluhang kontribusyon sa komunidad,” pahayag ng organisasyon.

Ginawaran din ng pagkilala si Dating Alkalde ng Lungsod ng Vigan Juan Carlo Medina.

“Kayo ay inspirasyon sa ating lahat, at inaasahan namin na patuloy ninyong itaguyod ang prinsipyong ito ng matino, mahusay at may puso. Mabuhay kayo, at nawa’y magsilbing halimbawa kayo sa iba na nagnanais ding maglingkod sa bayan [ng] tapat at buong puso,” dagdag ng organisasyon.

Author