Inilatag ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang kanilang bagong programa na health and medical program sa ginawang kapihan ng Philippine Information Agency (PIA)-Palawan nitong araw ng Miyerkules, Enero 30.
Binigyang-linaw nina Division Chief Raul Aguilar at Project Development Officer/Head Regional Social Worker Gady Llamasares ang kanilang bagong programa na layuning tulungan ang mga residenteng magniniyog sa mga rural areas sa bansa partikular sa lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Llamasares, may dalawang components o uri ang kanilang health and medical program para sa mga benepisyaryong coconut farmers at kanilang mga pamilya.
Aniya, ang unang component ng programa ay mobile health services na kinabibilangan ng medical and dental mission na may libreng gamot at konsultasyon mula sa mga general doctors, at opthalmologist na maaaring sumuri sa mga mata ng mga benepisyaryo.
Liban dito, magbibigay rin ng libreng hearing aid, artificial legs para sa mga naputulan ng paa, at mga wheel chair. Magkakaloob din ang ahensya ng mga libreng gupit at massage upang ma-relax ang mga benepisyaryong magniniyog.
Samantala, ang ikalawang component naman ng programa ay hospitalization and care assistance kung saan ay makatatanggap ng ₱40,000 cash grants ang mga maku-confine na magniniyog na nababatay sa assessment ng social worker ng Philippine Coconut Authority.
Magbibigay rin ng “out of pocket expenses” para sa mga outpatient, libreng laboratory and diagnostic test, mga gamot, at financial assistance na nagkakahalaga ng ₱5,000.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay maaaring makapag-avail ng kanilang programa. Ito ay bukas para sa mga registered coconut farmers at kanilang mga pamilya, poster parents na approved ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), persons with disabilities (PWD) na may edad 21 pataas na walang kakayahang makapagtrabaho, at mga anak na nag-eedad 20 pababa na walang trabaho at asawa.