Puerto Princesa City — Nakiisa sa pagdiriwang ng World Environment Day nitong Hunyo 5, 2024 ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) District Management Division (DMD)— South na sabay-sabay na ipinagdiwang sa iba’t ibang munisipalidad ng lalawigan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno.
Ang 2nd synchronized Pista ng Kalikasan, na may temang “Kapit-kamay sa Pagpapanumbalik ng Luntiang Kapaligiran: Hakbang para sa Inang Kalikasan,” ay parte ng Selebrasyon ng World Environment Day 2024 na tinawag na #GenerationRestoration.
Ayon sa PCSDS, ang District Management Offices (DMOs) sa buong Southern Palawan ay nagpahayag ng kanilang suporta sa pamamagitan ng kanilang partisipasyon sa environmentally significant initiative.
Nakilahok ang mga kawani na kinabibilangan ng DMO sa Quezon, Rizal, at Narra sa pinagsabay na Pista ng Kalikasan sa Sitio Ilululay, Alfonso XIII, Quezon; Sitio Pinagar, Barangay Camping Ulay, Rizal; at Barangay Taritein, Narra, Palawan.
Samantala, pinangunahan naman ni Forester Glenda M. Cadigal, DMD South Manager mula sa munisipyo ng Bataraza ang paglahok ng mga staff sa isinagawang pagtatanim na inorganisa ng Rio Tuba Nickel Mining Corporation at ng Local Government Unit ng Bataraza na ginanap sa Inogbong Bataraza Race Track.
Ang malawakang pagdiriwang ng aktibidad na ito, na nilahukan ng iba’t ibang indibidwal mula sa iba’t ibang sektor ng pamahalaan ay nagtampok sa kahalagahan ng pagtatanim ng puno bilang isang mabisang paraan upang makamit ang isang mas luntian at mas malinis na kapaligiran para sa kasalukuyan at sa hinaharap na mga henerasyon.