November 8, 2026
FB_IMG_1794148154510

Photo Courtesy: PalPPO

Ni Samuel Macmac

Umani ng positibong resulta ang pinaigting na kampanya ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) kontra kriminalidad sa loob ng isang linggong magkakahiwalay na operasyon.

Sa serye ng manhunt operation sa buong lalawigan, arestado ang limang (5) most wanted person at 10 iba pang wanted persons.

Dalawang (2) durugista naman ang nadakip sa kampanya kontra ilegal na droga, na nagresulta sa pagkakasamsam ng 3.7454 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P25,468.72.

Sa tatlong operasyon kontra smuggling, natimbog ang apat (4) na indibidwal, kung saan nakumpiska naman ng mga awtoridad ang kontrabandong sigarilyo na may halagang mahigit 1.6 milyong piso.

Nakumpiska naman sa kampanya kontra ilegal na pangingisda ang mga isda at kagamitang pangisda na nagkakahalaga ng P24,000.00 habang dalawang (2) indibidwal ang nalambat sa operasyon.

Sa kulungan ang bagsak ng dalawang (2) indibidwal na nasasangkot sa ilegal na sugal at nasamsam ang P550 na tayaan.

Samantala, boluntaryong isinuko naman sa mga awtoridad ang isang loose firearm bilang bahagi ng kampanya laban sa mga hindi rehistradong baril.

Sa kabuuan, umabot sa mahigit 1.7 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga, kontrabandong sigarilyo, isda at kagamitang pangisda, at perang pantaya mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 1, taong kasalukuyan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *