‘Shabu’ sa Puerto Princesa
Photo Courtesy: PS2
Ni Rodolfo Idusora
Arestado ang isang suspek nang makunan ng tinatayang ₱89,080 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Macedonia Subdivision, Purok Fire Tree, Barangay Sicsican, Puerto Princesa City, nitong Nobyembre 4.
Ang nahuling suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nasamsam sa operasyon ang isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 3.9 gramo, na umano’y nabili sa suspek sa isinagawang transaksyon.
Narekober din sa kanyang pag-iingat nito ang sampung karagdagang sachet na hinihinalang shabu na tumitimbang ng 9.2 gramo.
Umabot sa 13.1 ang kabuuang gramo ng nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga na may tinatayang standard drug price na ₱89,080.
Narekober din ang buy-bust money mula sa suspek.
Isinagawa ang marking at inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng operasyon sa harap ng suspek at nasaksihan ng isang opisyal ng barangay at kinatawan ng media, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Gagamitin din ang mga nakumpiskang ebidensya para sa laboratory examination habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek.